6 laglag sa drug busts

By Jean Fernando

Anim na katao na umano’y sangkot sa illegal drugs trade ang naaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Pasay City police sa magkahiwalay na buy-bust operations na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 19 sachets ng shabu nitong Lunes ng gabi at kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang mga suspect na sina Rommel Fajardo,38, ng Block 18 Lot 66 Saint Cecille St., Barangay 178, Maricaban Pasay City; Belissa Macabato, 53, ng 1088 Amarillo St., Barangay 184, Maricaban; Wilson del Monte,37, miyembro ng sputnik gang, ng 153 Estrella St., Barangay 14 Zone 1, Pasay City; Mark Rogero,23 ng 159 Estrella St., Pasay; John Paul Tungalan, 20, at Mike Kenneth Quioyo, 27, parehong nakatira sa 171 Estrella St., Pasay.

Base sa report ni Senior Inspector Maynard Pascual, Pasay City SDEU chief, naunang nasakote sa drug bust operation sina Fajardo at Macabato. Nadakip ang dalawa dakong 9 p.m. noong Lunes at nakumpiska sa kanila ang anim na sachet ng shabu.

Arestado naman si Del Monte at ang kaniyang mga kasapakat sa isang drug bust operation dakong 4 a.m. kahapon.

Nakakulong ngayon ang lahat ng naaresto sa SDEU detention cell at nakatakda silang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

http://tempo.com.ph/feed/