56-anyos na babae nabangga at tinakasan ng rider sa Caloocan
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang hindi pa nakikilalang motorcycle rider matapos nitong mabangga at takasan ang isang 56-anyos na babae sa Langit Road, Barangay 176-B, Caloocan City. Courtesy: Brgy. 176-B via Bea CuadraMAYNILA — Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang hindi pa nakikilalang motorcycle rider matapos nitong mabangga at takasan ang isang 56-anyos na babae sa Langit Road, Barangay 176-B, Caloocan City.
Naganap ang insidente pasado alas-7:00 ng umaga noong Linggo, Setyembre 20, habang patawid ang biktimang kinilalang si Josephine Desio.
“Galing ako ng Tala, sumakay ako ng tricycle. Papunta Phase 5, pagbaba ako, tumingin naman ako, kaliwa-kanan, wala naman sa sasakyan. Nung tumawid ako, bigla lang, nagulat na lang ako, binangga na ako, natumba po,” pahayag ni Desio.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, napahinto ang isang rider nang tumumba sa harap niya ang biktima matapos mabangga ng kasalubong na rider.
“Bumaba siya ng motor, tapos sabi niya sa akin, ‘ikaw ang bumangga sakin. Wala ako sa iyo kasalanan.’ Ang tagal niya nga ako patayuin, tapos hinatid ko sa tawid, tumawag po ako ng kapitbahay. Sinabihan siya ng barangay, ‘wag ka muna umalis.’ Tingnan sa CCTV. Paglingon ko, wala na siya. Umalis na siya,” saad ng biktima.
Dinala sa ospital ang biktima matapos magtamo ng mga sugat sa tuhod at makaramdam ng pananakit sa katawan.
Ayon sa anak ng biktima na si Jenielyn Desio, bukod sa mga sugat ay tumaas din ang presyon ng kaniyang ina na patuloy pang nagpapagaling sa stroke. Galit itong nanawagan na lumantad na ang rider at harapin ang kaniyang pananagutan.
“Magpakita lang. Kahit humingi man lang po siya ng sorry sa mama ko… parang sinisisi niya pa po kasi yung mama ko sa ginawa niya,” saad nito.
Dahil naplakahan ang motorsiklo, agad na nakipag-ugnayan ang barangay sa Traffic Bureau at sinimulan ang pagsusuri sa mga CCTV footage upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tumakas na drayber. Nanawagan din ang barangay sa publiko na magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa kaso.
“Maging maingat po at responsable sa paghawak ng manibela para sa kaligtasan ng lahat,” paalala ni Kris Angeli Gallano, Desk Officer ng BPSO sa Barangay 176-B.
Sa ngayon, nasa maayos na kondisyon na ang biktima habang desidido naman ang pamilya nitong magsampa ng pormal na reklamo laban sa rider.