Sunday, November 15, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Mga tauhan ng barangay sa Tondo inireklamo sa pananakit sa 3 menor de edad

Nagsimula ang insidente nang damputin ng Ex-O ng barangay ang isang 21-anyos na lalaking nakatambay sa motorsiklo kasama ang kaniyang mga kaibigan. Contributed via CA Sitson

MAYNILA — Apat ang sugatan—kabilang ang tatlong menor de edad—matapos umano silang saktan ng mga tauhan ng barangay kasunod ng magkasunod na kaguluhan sa Tondo, Maynila noong madaling araw ng Setyembre 16.

Nagsimula ang insidente nang damputin ng Ex-O ng barangay ang isang 21-anyos na lalaking nakatambay sa motorsiklo kasama ang kaniyang mga kaibigan. Sa halip na dalhin sa barangay hall, dinala ng Ex-O ang biktima sa isang birthday party kung saan naroroon ang punong barangay.

Nang sundan ng ama, kapatid, at ilang kapitbahay ang dinampot na binata upang itanong kung bakit dinala ng mga opisyal ang biktima sa inuman sa eskinita sa halip na sa barangay hall, pinaalis ng mga ito ang grupo. Doon na sumiklab ang tensyon na nauwi sa suntukan sa pagitan ng Ex-O at ng kapitbahay ng dinampot na binata.

Sa isang cellphone video, huling-huli ang pakikipagsuntukan ng Ex-O ng barangay sa isa sa mga kasama ng biktima kung saan may nabasag ding mga bote.

Bagama’t inamin ng kaibigan ng biktima na minsan na silang napagsabihan ng barangay dahil sa umano’y pagtatambay at pag-iingay noong Setyembre 8, hindi umano malinaw sa kanila kung bakit bigla na lamang dadamputin ng mga taga-barangay ang kanilang kaibigan.

“Pinagtataka talaga po namin, puwede naman nila ipatawag sa barangay, pero ginawa nila, dinala po nila sa eskinita,” pahayag ng kaibigan ng biktima.

Nang humupa ang tensyon, dumiretso sa barangay hall ang grupo ng binata para magreklamo, pero sa halip na asikasuhin ay sinabihan sila ng duty officer na ipagpabukas na lang ang pagpapa-blotter.

Pauwi na sana ang grupo nang muli silang magpang-abot ng mga tauhan ng barangay sa isang kanto, kung saan nangyari ang ikalawang serye ng pananakit. Sugatan sa insidente ang tatlong menor de edad na nakikiusyoso lang umano sa mga nangyayari.

“May nasampal pong menor de edad, may tinutukan po ng baril, tapos may tinutukan din po ng ice pick,” salaysay ng kapatid ng dinampot na binata na nakauwi na sa bahay noong oras na iyon.

Natigil ang gulo nang makatakas sa lugar ang grupong dapat sana’y magpapa-blotter sa barangay.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikitang pumasok sa eskinita ang isang barangay tanod na sangkot sa ikalawang gulo habang nakalagay ang kaniyang kanang kamay sa likod na tila may hawak na baril. Sinundan siya ng Ex-O at ng isang barangay kagawad. Ilang saglit bago malapitan ng dalawa ang tanod, itinaas nito ang kanang kamay kasabay ng narinig na putok ng baril.

Tumangging humarap sa camera ang pamunuan ng barangay ngunit iginiit nilang walang naganap na pagpapaputok ng baril mula sa kanilang tanod. Handa rin umano silang sagutin sa korte ang mga paratang laban sa kanila.

Nanawagan kay Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga biktima na panagutin ang mga sangkot na opisyal at tauhan ng barangay sa umano’y pang-aabuso ng mga ito. Nais din nilang umaksyon sa insidente ang Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Mayor, gusto lang po namin sanang magbigyang-pansin ‘yung nangyari sa lugar namin. Mabigyan ng karapatan ‘yung mga bata, mabigyan ng hustisya ‘yung nangyari sa kanila,” panawagan ng kaibigan ng isa sa mga biktima.

Nakapagsampa na ng pormal na reklamo sa pulisya ang mga biktima laban sa isang barangay kagawad, executive officer (Ex-O), at barangay tanod na itinuturong nanakit at nagpaputok umano ng baril sa lugar. 

Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) sa insidente.