2 babaeng nagbebenta ng nakaw na aircon online, arestado
MAYNILA — Inaresto ng Quezon City Police District ang dalawang babaeng nagbebenta umano ng nakaw na air-conditioning unit online sa ikinasang entrapment operation sa Barangay San Antonio, Quezon City gabi nitong Martes, Oktubre 6, ayon kay QCPD chief PBGen Christopher Olazo.
Sa imbestigasyon, nakuha ng mga suspek na kinilalang sina Alyas Maureen at Alyas Mae sa isang kompanya ang aircon at iba pang appliances mga appliances sa isang umano’y bogus na transaksyon sa Quezon City.
Ayon sa pulisya, naaresto ang online seller na si Alyas Maureen, at Alyas Mae na isang vendor, sa isinagawang entrapment operation sa No. 52 M.H. Del Pilar Street, Barangay San Antonio, Quezon City, bandang alas-8:31 ng gabi noong Oktubre 6.
Oktubre 1 nang bumili umano ang isang buyer na nagpakilalang si “Melissa De Vega” ng 31 air-conditioning units at pitong television sets mula sa isang appliance store.
Ayon sa operation manager ng kompanya, nagpadala ang buyer ng deposit slip na nagkakahalaga ng higit P1.4 milyon. Matapos ma-verify ng kompanya na pumasok ang bayad sa kanilang account, inilabas ang mga appliance.
Pero nang i-update ang passbook kinabukasan, natuklasang hindi pumasok ang naturang bayad dahil sarado ang account na pinanggalingan ng tseke.
Oktubre 6, nakatanggap naman ng impormasyon ang kompanya na ilan sa mga appliance na inilabas nila noong Oktubre 1 ay ibinebenta na online.
Kaya kinontak ng complainant ang online seller at humingi ng model at serial numbers ng mga unit.
Nang maikumpara ang mga ito sa records ng kompanya, tumugma ang mga numero sa mga appliance na naunang nilang inilabas.
Dito na ikinasa ang entrapment. Sa delivery ng mga unit, inabot ng complainant ang P120,000 marked money at dito na agad naaresto ang dalawa.
Narekober sa operasyon ang anim na Wall Mounted Aircon Inverter na nagkakahalaga ng P57,998 bawat isa, o kabuuang P347,988.
Nakakulong na ang dalawang suspek sa Masambong Police Station 2 na nahaharap sa reklamong paglabag sa Anti-Fencing Law in relation to Cybercrime Prevention Act.
Tumanggi umanong magsalita ang mga suspek.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang transaksyon, kabilang ang pagkakakilanlan ng umano’y buyer na gumamit ng pangalang “Melissa De Vega.”