Motorsiklong gamit ng clothing business sa Bulacan tinangay
Tinangay ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang isang motorsiklong ginagamit sa pagde-deliver ng mga paninda sa Barangay Tugatog, Meycauayan, Bulacan, madaling-araw nitong Huwebes, Oktubre 8. Courtesy: Alyssa Alcamado via Eon Sanchez, ABS-CBN NewsMAYNILA — Tinangay ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang isang motorsiklong ginagamit sa pagde-deliver ng mga paninda sa Barangay Tugatog, Meycauayan, Bulacan, madaling-araw nitong Huwebes, Oktubre 8.
Ayon sa may-ari ng motorsiklo na si Alyssa Alcansado, dakong ala-una ng madaling-araw nang marinig niya ang tunog ng motorsiklo ng kaniyang partner, kahit wala ito sa kanilang bahay noong mga oras na iyon.
Nang tingnan niya ang labas ng bahay makalipas ang ilang minuto, wala na ang motorsiklo.
Agad silang nagtungo sa barangay upang suriin ang CCTV footage, kung saan nakita umanong dalawang taong magkasama sa isang motorsiklo ang kumuha sa kanilang sasakyan.
“Pang-business po kasi namin yung motor. Ginagamit namin siya pang-deliver, pang-meet up,” ani Alcansado.
Nasa P25,000 ang halaga ng nawawalang motorsiklo.
Ayon kay Alcansado, malaki ang naging epekto ng insidente sa kanilang negosyo dahil marami silang nakatakdang meet-up at kailangang kuning supply noong araw na ninakaw ang motorsiklo.
“Kahit po nawala yung motor namin, pinilit namin na madeliver yung mga dapat madeliver since nakapending talaga sila. Yung expenses namin ngayon, mas lumaki kasi hindi na kami dapat mamamasahe,” ani Alcansado.
Hindi pa nila nakikilala ang mga salarin at hindi rin nila nakuha ang nawawalang motorsiklo.
Ayon kay Alcansado, wala pa silang natatanggap na ibang impormasyon mula sa barangay bukod sa payong antabayanan ang mga susunod na update.
Plano nilang magsampa ng reklamo sa pulisya upang makatulong sa pagkilala at pag-aresto sa mga suspek.