Wednesday, October 14, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

1 sugatan, 70 pamilya apektado sa sunog na dahil umano sa ‘jumper’

MAYNILA — Sugatan ang isang 59-anyos na lalaki matapos magtamo ng second-degree burn sa braso at dibdib sa sumiklab na sunog sa isang residential area sa De Jesus Compound, Bagong Landas Street, Barangay San Agustin, Quezon City nitong Biyernes ng gabi, Oktubre 9.

Dinala ang biktima sa Novaliches District Hospital para malapatan ng lunas.

Samantala, tinatayang 40 bahay ang natupok at 70 pamilya o nasa 200 indibidwal ang naapektuhan ng sunog.

Dakong alas-7:39 ng gabi nang rumesponde ang mga bumbero sa insidente. Itinaas sa ikatlong alarma ang sunog bago ito tuluyang naapula dakong alas-11:56 ng gabi.

Ayon kay Fire Senior Inspector Erickson Guila, commander ng Quezon City Fire District Station 5, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa lagay ng kalsada at mga bahay na gawa sa mga light material.

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit kinailangang itaas sa ikatlong alarma ang sunog.

“Noong dumating yung mga tropa nating bumbero, naglalabasan po ng mga gamit yung mga residente. Makikitid din yung kalsada dito [at] double parking. Kaya mabilis kumalat yung apoy,” ani Guila.

Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinagmulan at sanhi ng sunog, gayundin ang halaga ng pinsala. Tinitingnan din ng mga awtoridad ang ulat ng mga residente na posibleng nagmula ang sunog sa electrical wiring na dulot ng ilegal na koneksiyon.

“Sabi po kasi, dahil daw sa jumper ng electricity kaya nagkasunog. Baka improper connection o nag-overload,” ani Barangay San Agustin Chairman Fabie Ortega.

Isa sa mga nawalan ng bahay si Elsa Paulino, may-ari ng isang sari-sari store sa lugar.

Kuwento niya, nasa loob siya ng kaniyang tindahan nang may sumigaw na may sunog. Agad siyang lumabas at iniligtas ang kaniyang apo na nahihirapang huminga dahil sa usok.

Sinubukan pa niyang bumalik sa kaniyang bahay upang magsalba ng mga gamit ngunit pinigilan siya ng mga bumbero dahil sa tindi ng apoy. Bibliya at diploma ng kaniyang anak na lamang ang nailigtas niya, habang nasunog ang kaniyang mga paninda at perang naipon.

“Yung pera ko hindi ko nakuha kahit piso. Yung [mga tinda ko] kakapamili ko pa lang. Ang laki ng pinamili ko, nawala lahat,” ani Paulino.

Nagmadali naman na umuwi galing sa trabaho si Vicente Albar Jr., 56, matapos makatanggap ng tawag mula sa kaniyang anak tungkol sa insidente.

“Napakalakas na raw ng apoy kaya nagmadali akong umuwi… Ito lang damit ko, wala nang iba. Lahat ng gamit [sunog],” aniya.

Habang inaapula ang apoy, kita sa ilang CCTV na nagtulungan ang mga residente, kabilang ang mga bata, sa pag-iigib ng tubig. Kaniya-kaniya rin silang nagsalba ng mga gamit bago tuluyang lamunin ng apoy ang kanilang mga tahanan.

Pansamantalang lumikas ang mga residente sa barangay hall at kalapit na kapilya.

Ayon kay Ortega, naghanda ang barangay ng pansamantalang matutuluyan, relief goods at mainit na pagkain para sa mga apektadong pamilya. Naglaan ang barangay ng modular tents sa mga nawalan ng tirahan, habang maaari ring gamitin ang De Jesus Chapel at San Agustin Elementary School bilang pansamantalang evacuation areas.

Samantala, may paalala si FSI Guila sa publiko: “Palagi po maging vigilant sa ating mga kabahayan. Huwag po nating iiwanan na may nakasaksak lagi na appliances, mga kandilang nakasindi, kasi usually yan po ang pinagmumulan ng sunog natin.” 

Leave a Reply