Lalaking armado ng pen gun huli sa akto sa panloloob ng bahay sa QC
Arestado ang isang 33-anyos na lalaki matapos mahuli sa aktong nagnanakaw sa loob ng isang bahay sa Barangay E. Rodriguez sa Quezon City bandang 6 ng umaga noong Linggo, Oktubre 11. Courtesy: QCPD Station 7 via Bea Cuadra, ABS-CBN NewsMAYNILA — Arestado ang isang 33-anyos na lalaki matapos mahuli sa aktong nagnanakaw sa loob ng isang bahay sa Barangay E. Rodriguez sa Quezon City bandang 6 ng umaga noong Linggo, Oktubre 11.
Ayon kay Maj. Randy Tedera, deputy ng Cubao Police Station, pauwi na sana galing sa trabaho ang biktima nang makitang sira ang padlock ng kaniyang bahay.
“Nung sinilip niya, nakita niya na mayroong gumagalaw sa loob ng bahay. And then nung nakita niya po na mayroong kakaibang nangyayari, tumawag siya sa barangay para humingi ng tulong,” kuwento ni Tedera.
Agad namang nakahingi ng tulong ang barangay sa mga rumorondang pulis sa lugar.
Pagdating sa bahay, huli sa aktong nagnanakaw ang suspek kaya agad siyang inaresto ng pulisya.
Nakumpiska sa suspek ang dalawang cellphone at isang improvised pen gun na may lamang mga bala.
Ayon pa sa pulisya, dati nang may record ang suspek sa mga kasong may kinalaman sa droga, pagsusugal, at pagnanakaw.
“Base po sa natatanggap namin mga reports sa barangay, siya po ay talagang, ang modus niya ay pagnanakaw talaga,” dagdag pa ni Tedera.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek.
“No comment,” aniya.
Nakakulong na ang suspek sa custodial facility unit ng Cubao Police Station at nahaharap sa mga reklamong Robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.