Sunday, October 18, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lasing na rider at angkas, sugatan nang sumalpok sa kotse sa Cainta

Sugatan ang isang rider at angkas nito matapos sumalpok ang kanilang motorsiklo sa nasusundan nitong sedan sa Ortigas Avenue Extension, Barangay Santo Domingo, Cainta, Rizal nitong Linggo ng gabi, Oktubre 11.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nakainom ang nakabanggang rider kaya mabilis ang takbo nito bago ang insidente.

Agad na binigyan ng paunang lunas ang rider at angkas nito bago isinugod sa ospital dahil sa natamong mga sugat.

Ayon sa rumespondeng traffic enforcer na si Amer Khan Agan ng One Cainta Town Security, parehong may lisensya ang driver ng kotse at motorsiklo.

“Yung rider po ng motor, hindi makausap nang maayos, lasing po nakainom,” ani Agan.

Sa dash cam video ng sedan, kita ang pagbaba ng driver nito na si Dendi Fernandez matapos marinig ang malakas na kalabog at madatnan ang dalawang lalaki na nakahandusay sa kalsada.

Ayon kay Fernandez, na isang TNVS driver na kagagaling lang sa kainan, napansin na niya ang mabilis na takbo ng motorsiklo habang nag-u-U-turn siya sa kalsada.

Nawasak ang bumper at tail light ng ipinapasada niyang kotse ng kaibigan dahil sa lakas ng pagbangga.

“Talagang humaharurot talaga. Karipas. Kung hindi ako nakapagpreno at hindi ko inangat yung handbreak ko madadali ko yung nasa unahan ko,” kuwento ni Fernandez.

Aminado naman ang mga kasama ng mga biktima na galing sila sa inuman sa Cainta at pauwi na sana sa Pasig.

“Pagpasok pa lang po namin ng stoplight, ang tulin na po namin. Aminado naman po kami. Nakatingin po kasi (yung rider), nakalingon po siya sa amin. Ang luwag po kasi nung kalsada. Kumbaga nag-mabilis po, sobrang dala po ng alak siguro,” ayon sa kasama ng mga sugatan.

“Nakainom po kami pero kontrol naman po. Siguro nataranta lang po ‘yung tropa namin,” dagdag naman ng isa pa nilang kasama.

Sa huli, nagkaareglo rin ang dalawang panig matapos akuin ng nakabanggang rider ang pagpapaayos sa napinsalang kotse.

Sa kabila nito, ipinapaubaya na ng pulisya sa Land Transportation Office (LTO) kung papatawan ng parusa ang rider dahil sa pagmamaneho nang nakainom, na isang paglabag sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act at Land Transportation and Traffic Code.

Muli namang nagpaalala ang awtoridad sa mga motorista na huwag magmamaneho nang nakainom dahil ito ang pangunahing sanhi ng trahedya sa kalsada.

Leave a Reply