Tuesday, October 13, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

3 binatilyo patay sa pamamaril ng miyembro ng Task Force Disiplina sa QC

Patay ang tatlong lalaki kabilang ang isang menor de edad matapos pagbabarilin ng lalaking miyembro ng Task Force Disiplina sa bahagi ng Senatorial Road, Barangay Batasan Hills sa Quezon City, mag-aalas dos ng madaling araw nitong Lunes, October 12. Courtesy: QCPD Station 6 via Bea Cuadra, ABS-CBN News

MAYNILA — Patay ang tatlong lalaki kabilang ang isang menor de edad matapos pagbabarilin ng lalaking miyembro ng Task Force Disiplina sa bahagi ng Senatorial Road, Barangay Batasan Hills sa Quezon City, mag-aalas dos ng madaling araw nitong Lunes, October 12.

Nakunan pa ng CCTV ang suspek matapos ang pamamaril dala ang baril.

Batay sa ulat ng pulisya, edad 15, 18, at 19 ang mga nasawing biktima.

Kinwento ng 19-anyos na nakaligtas na testigo, sinita sila ng suspek habang silang magkakaibigan ay nakatambay.

“Nung nakatambay po kami, bigla po siyang lumapit sa amin na sabi niya po sa amin na anong oras na daw po, ginagabi na daw po kami. Tapos yung hindi namin po siya pinansin, lumayo na po kami sa kanya,” kwento ng testigo.

Dagdag pa ng witness, sinundan pa sila ng ng suspek bago ito nagpakawala ng mga putok ng baril.

“Bigla po siyang bumunot ng baril, sabay nagtakbuhan po kami. Sabay, nagtakbuhan po kami, bigla po siyang bumalik doon sa pinag-iinuman niya. Sabay nakita niya po kami sa bandang dulo… Tinitignan niya po kami… Tapos, inikutan niya po kami, doon na po siya nagpaputok,” dagdag ng witness.

Ayon kay Lt. Col. Gemmer Tubiera, hepe ng Batasan Police Station, lumabas lamang upang bumili ng pagkain ang mga biktima habang ang suspek naman ay galing sa inuman.

Sinita umano ng suspek ang mga kabataan dahil sa kalaliman ng gabi, ngunit nang maasar siya sa mga ito ay doon na niya pinagbabaril ang grupo.

“Binawal nung suspek yung mga biktima natin dahil disoras na ng gabi ay nasa labas pa. Ang ginawa naman ng mga kabataan ay inasar pa siya… Ang bawat isa po sa kanila ay nagtamo ng tig-iisang tama ng bala. Sa tagiliran, ang isa naman ay sa dibdib at ang isa ay sa ulo,” pahayag ni Tubiera.

Sa imbestigasyon ng pulis, lasing umano ang suspek nang mamaril.  “Yun lamang po ang talagang motibo dahil nga lango sa alak ay nagawa niya yung krimen,” ayon kay Tubiera.


HUSTISYA

Ayon naman sa ama ng 15-anyos na biktima, inutusan lamang niyang bumili ng gamot ang anak at nagkataong nagkasama-sama lamang ito at ang kaniyang mga kaibigan sa isang tindahan para kumain bago nangyari ang pamamaril.

“Bigla na lang po may pumutok. Inutusan ko kasi anak ko bumili ng gamot. Eh, mga kaibigan niya. Kumain sila. Bumili ngayon ng softdrinks kaya nagkasabay-sabay sila sa tindahan. Tapos yun, bigla lang po yung pumutok. Tapos buti yung nakakilala samin nakita yung anak namin na nandun sa kalsada… Wala puro nakabulagta na,” kwento ng ama.

Nanawagan din ng katarungan ang ama sa sinapit ng kaniyang anak.

“Sakit yung ginawa niya. Nagaaral pa yung mga bata na yun. Kukunin niya na ng ganun-ganun na lang…. Sana mabigay hustisya sakanila, tatlo yung kinuha niya,” giit ng ama.

Ibinahagi rin ng kaanak ng 18-anyos na biktima na hindi pa rin nila matanggap ang biglaang pagkawala ng kaniyang kapatid.

“Ako po, kasi galing pa po katrabaho, tinawagan lang po ako ng kamag-anak din namin. Tapos yun na po, binalita sa akin. Nagmadali na po ako. Hindi pa po namin kasi matanggap, hindi pa po namin nagsisink in sa amin, hindi pa po. Parang lahat po kami shocked. So hindi pa po namin alam gagawin. Sana po makuha namin yung hustisya na dapat para sa amin,” anang kaanak.

Agad na din na natunton at naaresto ang suspek.

Nabawi sa suspek ang ginamit niyang baril at motorsiklo. Isasailalim sa firearms verification, ballistics test, at paraffin test ang nakuha sa suspek upang matukoy kung rehistrado ang baril, at kung nagamit na ito sa ibang krimen.

Ayon sa suspek, wala siyang pinagsisihan sa nangyari.

“Ako wala akong pinagsisisihan kung sasakali po na ganyan dahil… mga salot na sila sa lipunan. Yun lang po masabi ko… Kaya hukuman na lang po magsasabi, hindi po ako magsasabi na ako po yun,” pahayag ng suspek.

Nahaharap ngayon ang suspek sa tatlong counts ng murder.

          

Leave a Reply