Saturday, October 17, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Road rage: Kawani umano ng LGU sinundan ang kotse na nag-overtake sa kanya

Viral ngayon ang insidente ng umano’y road rage matapos sundan ng isang hindi kilalang lalaking driver ang isang babaeng driver hanggang sa gate ng kaniyang subdivision sa Parañaque City, Sabado ng gabi, Oktubre 10.

Sa viral video at post ng biktima, sinabi niyang nagsimula ang insidente matapos umano niyang ma-overtake ang sasakyan ng lalaki.

Ayon sa biktima, mula sa isang convenience store hanggang sa kanilang subdivision, patuloy siyang sinundan ng lalaki habang walang tigil na bumubusina at gumagamit ng high-beam headlights.

Aniya, kinakain din ng lalaki ang kabilang lane sa pagtatangkang ma-overtake muli ang kaniyang sasakyan, dahilan para bumusina rin sa kaniya ang ilang kasalubong nilang motorista.

Sinabi pa niya na tila kumalma at nag-menor ang lalaki nang malaman nitong babae ang nagmamaneho ng sasakyan.

Sa parehong video, napansin ang lalaking driver na may suot na ID lace at ang sasakyan nitong may sticker na logo o seal ng isang lokal na pamahalaan sa hood.

“Allegedly, as for the logo, may possibility siya na taga-city [hall] siya,” ani Jeremy Arreglo, desk officer ng Bgy. Don Bosco, Parañaque City.

“As for the record namin, wala kaming natanggap na complaint or any report regarding doon sa alleged road rage or whatsoever… kung alleged road rage yan, pwede na rin siyang dumiretso ng traffic bureau pero much better magkaroon din kami ng record,” dagdag nito.

Ayon pa kay Arreglo, maaaring tumagal nang lima hanggang sampung minuto ang insidente mula sa pinagmulan nito hanggang sa lugar kung saan nagkaroon ng komprontasyon ang dalawang driver.

Hindi aniya gumagana ang mga CCTV sa lugar dahil kasalukuyang isinasagawa ang pagkukumpuni at maintenance ng mga ito.

Pinatunayan naman ng guwardiya ng subdivision na nagkaroon ng pagtatalo ang dalawang driver sa lugar, ngunit wala umanong pisikal na komprontasyon.

“Galing ako doon sa loob. Nagiikot ako tapos paglabas ko, mayroon ditong [mga] sasakyan, nakaharang. Tapos narinig ko na lang na nagsasagutan… mga saglit lang ako nakatayo doon. Mga five minutes lang. Walang bakbakan, sigawan lang sila,” kuwento ng guwardiya.

Dahil walang pormal na reklamong natatanggap, hinimok ng barangay ang mga motorista na panatilihing kalmado ang sarili at humingi ng tulong sa mga awtoridad upang maiwasan ang paglala ng mga ganitong insidente.

“Konting lamig ng ulo siguro at mag-sought ng assistance sa mga authorities para ma-settle naman kaagad at hindi na mahantong kung ano man yung masamang pwedeng mangyari,” ani Arreglo.

Kinukuhanan pa ng ABS-CBN News ng dagdag na pahayag ang uploader at patuloy na kinukumpirma kung kawani ng Parañaque LGU ang lalaki sa viral video.

Leave a Reply