Negosyanteng vlogger naholdap sa car wash; P2.6-M alahas natangay

MANILA — Hinoldap ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek ang isang negosyanteng vlogger sa isang car wash sa Antipolo City, Rizal nitong Lunes.
Dumating ang tatlong suspek sakay ng dalawang motorsiklo sa car wash sa Marcos Highway, Bgy. Mayamot.
Nagsilbing lookout ang isang suspek habang nilapitan ng dalawa nitong kasama ang biktima habang nagpapa-carwash.
Tinutukan ng baril ng mga suspek ang biktima at mabilis na tinangay ang kanyang bracelet, kwintas, at relo na lahat ay gawa sa ginto at nagkakahalaga ng P2.6 million.
“Binenta ko yung sasakyan ko kasi nagba-buy and sell ako eh. Sabi ko kasi pagdating ng araw mahal na rin ang gold. Minsan ko lang ito suotin hindi naman araw-araw. Nataon na lang talaga,” kwento ng biktima.
“Ang sabi niya kasi sa ‘kin, ‘Sir, ‘pag lumaban ka patay ka.’ Yung daliri ng kamay niya nasa gantilyo na kaya nag-chill lang ako. Pinaubaya ko na kasi naisip ko yung mag-ina ko, yung anak ko.”
Sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad, posibleng sinundan na ng mga suspek ang biktima mula sa garahe nito sa Morong, Rizal.
Nag-live rin ang biktima sa kanyang social media page bago ang insidente.
“Natiktikan na pala ako nun sabi ng mga pulis. Kita mo oh sumusunod sa ‘yo,” dagdag ng biktima.
Agad humingi ng saklolo sa pulisya ang biktima matapos ang insidente.
Nagkasa na ng hot pursuit at follow-up operation ang Antipolo police para mahuli ang mga suspek.
Hindi na muna sila nagbigay ng karagdagang detalye habang gumugulong pa ang imbestigasyon.