Trabahador ginulpi, ibinaon sa lupa ng mga nakaalitang construction worker
Nahukay ng mga awtoridad nitong Lunes ng umaga, October 12, ang bangkay ng isang trabahador ng National Irrigation Administration na ibinaon sa Sitio Lampong, Escoting, Diadi, Nueva Vizcaya. Courtesy: PNP Diadi via Harris JulioDIADI, Nueva Vizcaya — Nahukay ng mga awtoridad noong Lunes ng umaga, October 12, ang bangkay ng isang trabahador ng National Irrigation Administration na ibinaon sa Sitio Lampong, Escoting, Diadi, Nueva Vizcaya.
Ayon sa pulisya, huling nakitang buhay ang 46-anyos na biktima noong Biyernes, October 9.
“Actually, missing person namin ito, October 9 pa nung nawawala. According sa asawa niya, pumasok sa trabaho sa watershed ng NIA, hindi umuwi ng hapon, ipinagpaliban kasi nag-extend ng trabaho kaya kinabukasan na babalik. Nag-alala na siya nung after 2 days na hindi pa rin umuuwi,” sabi ni Police Captain Daryl Marquez na hepe ng PNP Diadi.
Sa pagsisiyasat ng mga pulis, nalaman na matapos makipag-inuman sa mga kasamahan ay nagpaalam ang biktima para pumunta sa barracks ng mga construction worker sa ginagawang kalsada.
“Para kausapin ‘yung isang construction worker na nagpapahanap ng aso. Parang kukunin na sana niya ‘yung pera dahil meron na siyang nahanap na aso. Tapos nadatnan niya na nag-iinuman sila doon, kaya nakiinom na rin. Mula noon, wala ng balita sa kanya,” kwento pa ni Marquez.
Hindi tumigil ang mga pulis sa pag-iimbestiga para mahanap ang biktima at malaman ang nangyari sa kanya.
Natagpuan din ang motorsiklo ng biktima sa lugar.
“During our onsite visit, may mga nakita kami doon na unusual things na kagaya ng motor nung victim, na nasa hindi dinadaanan ng sasakyan, nandun na sa taas. And then ‘yung susi dun sa mixer,” sabi ni Marquez.
May mga natukoy din na persons of interest at kalaunan ay sumuko ang isa sa anim na mga pinaghihinalaan.
Ayon sa suspek, nakaalitan umano nila ang biktima habang nag-iinuman.
“Nagpo-provoke daw ng trouble itong victim. Allegedly, base sa revelation ng mga nag-surrender, ay mimumura niya ‘yung isang suspek, parang nairita ‘yung isa ring kasama, sinuntok niya. Sumunod na rin yung ibang mga kasama at pinagtulungan bugbugin,” ani Marquez.
Nakatakbo pa raw palayo ang biktima, pero naabutan ng mga suspek saka pinagbubugbog.
“Nakatakbo sa medyo mataas na lugar doon, nahabol ng mga suspek, hanggang nawalan ng malay sa pambubugbog,” dagdag ni Marquez.
Hindi pa raw nakuntento ang isa sa mga suspek na binuhat ang biktima saka makailang beses na inumpog ang ulo sa semento.
“Dahil hindi siguro napigilan ‘yung emosyon din, e binuhat niya ‘yung victim at hinampas nang maraming beses sa pavement,” kwento ni Marquez.
Sa huli ay nagdesisyon ang mga suspek na itago ang bangkay sa kanal.
“May kanal po doon, doon nila itinapon, tapos tinabunan nila ng lupa gamit ang backhoe,” sabi ni Marquez.
Nasa kustodiya na ngayon ng PNP Diadi ang tatlong suspek habang nakatakas ang tatlo pa.
“May hinahanap pa kaming tatlo, ‘yung backhoe operator at ‘yung mag-asawa. Allegedly, nag-take ng video ‘yung asawa para i-threaten ‘yung mga kasama ng mister niya na most guilty kasi siya ‘yung talagang nakapatay,” ani Marquez.
Isinailalim na sa otopsiya ang bangkay ng biktima habang inihahanda na rin ang reklamo laban sa mga suspek.