FACT CHECK: Hindi totoong tuloy ang BSKE ngayong 2026

Taliwas sa mga kumakalat na post sa social media, hindi totoong matutuloy sa November o gaganapin sa December ngayong taon ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dahil ipinagpaliban ito at ginawang 2028 ang susunod na halalan.
Sa ilang post, makikita ang art card na tila mula sa Commission on Elections (COMELEC) at nagpapakita ng umano’y calendar of activities para sa BSKE na nakatakda umano sa November 28.
Ginamit naman sa isang Facebook post noong October 9 ang isang news report na nagsasabing ang BSKE ay kumpirmadong itutuloy sa December ngayong taon. Nilapatan ito ng tekstong: “Tuloy ang ELEKSYON sa DECEMBER 2026.”
Ngunit pareho itong hindi totoo.
Ayon sa Facebook post ng COMELEC, minanipula ang naturang art card upang pagmukhaing schedule ng BSKE. Ang kalendaryo na ginamit sa post ay tumutukoy sa Special Elections sa Lone Legislative District ng Batanes na nakatakdang ganapin sa November 28.

Samantala, sa pagsusuri ng ABS-CBN Fact Check, ang news report na ginamit sa isang post ay mula sa 91.3 Brigada News FM Lebak na ini-upload noong April 26, 2025.
Noong panahong iyon, umiiral pa ang COMELEC Resolution No. 11132 na nagtakda sa BSKE sa December 1, 2025, na kalauna’y inusog sa unang Lunes ng November ngayong taon sa pamamagitan ng Republic Act No. 12232.
Ngunit nitong September 24 lamang, inaprubahan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326, na nagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at miyembro ng Sangguniang Kabataan sa limang taon.
Noong October 30, 2023 huling idinaos ang BSKE at dahil pinalawig ng batas ang kanilang termino, mananatili sa puwesto hanggang 2028 ang mga opisyal na nanalo noon.
Sa ilalim ng Section 2 ng batas, ang susunod na BSKE ay itinakdang gaganapin sa ikalawang Lunes ng November sa taong 2028 at tuwing ikalimang taon pagkatapos nito.
Samantala, sa gitna ng mga maling impormasyon tungkol sa halalan, hinimok ng COMELEC ang publiko na sumangguni sa mga opisyal na pahayag nito at iba pang mapagkakatiwalaang source at beripikahin muna ang mga impormasyong nakikita online bago ibahagi.