Negosyanteng sangkot sa rent-tangay modus arestado sa San Juan
Arestado sa entrapment operation sa isang mall sa San Juan City ang isang 23-anyos na negosyante na sangkot umano sa “rent-tangay” modus nitong Martes, Oktubre 13. Courtesy: Eastern Police District via Christopher SitsonMAYNILA — Arestado sa entrapment operation sa isang mall sa San Juan City ang isang 23-anyos na negosyante na sangkot umano sa “rent-tangay” modus nitong Martes, Oktubre 13.
Ayon sa pulisya, inireklamo ng isang biktima ang suspek matapos siyang pagbentahan nito ng isang sasakyang nagkakahalaga ng P400,000.
Una nang nakapagbayad ng P220,000 ang biktima bilang partial payment at bubuin na sana ang P400,000 sa kanilang pagkikita.
Pero imbes na ang napagkasunduang sasakyan ang i-deliver, mas mahal na sasakyan ang iprinisinta ng suspek dahil naibenta na umano ang unang inaalok na sasakyan sa ibang buyer.
Nagpapadagdag pa ng P170,000 ang suspek sa biktima bilang bayad sa sasakyang iprinisinta nito.
Dito na nagduda ang biktima at agad nag-report sa pulisya kaya naikasa ang entrapment operation.
Sa imbestigasyon, napag-alamang sangkot ang suspek sa isang vehicle rental scheme na tinawag na “Rent-Tangay,” kung saan ang mga nirerentahan nitong sasakyan ay hindi na naibabalik pa sa may-ari.
May nakita ring record ang pulisya online na sangkot sa scam at iba pang maanomalyang transaksyon ang suspek.
Lumutang din ang iba pang nabiktima ng lalaki matapos siyang mahuli.
Narekober sa suspek ang isang multi-purpose vehicle o MPV, dalawa pang sasakyan, dalawang car ignition keys, at P5,000 cash.
Dahil dito ay nagpaalala ang Eastern Police District sa publiko na maging maingat sa mga transaksyon tulad ng pagbili o pagpaparenta ng sasakyan.
“Let this incident serve as a reminder to the public to exercise caution when entering into vehicle transactions. Verify the authenticity of documents, confirm the vehicle’s ownership and legal status, and never rely solely on verbal assurances or promises. We encourage everyone to report suspicious activities immediately so that appropriate police action can be taken,” pahayag ni Police Brigadier General Roman Arugay, District Director ng Eastern Police District.
Nasa kustodiya na ng San Juan Police ang suspek at nahaharap sa reklamong Estafa o Swindling.