Saturday, October 24, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Rider, patay matapos ilang ulit masagasaan sa North Cotabato

MAYNILA — Nasawi ang 36-anyos na rider matapos paulit-ulit na masagasaan at makaladkad sa kalsada sa Midsayap, North Cotabato.

Batay sa CCTV footage, una munang nasagasaan ng rider ang isang asong biglang tumawid, dahilan para mawalan siya ng kontrol at matumba.

Ilang motorsiklo pa ang dumaan sa lugar at hindi umano napansin ang nakahandusay na biktima.

Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co, asong gala ang nabangga ng rider.

“Merong tragic accident kung saan makikita natin isang motorcycle rider ay meron siyang nabanggang aso. Ito raw po ay hindi alaga,” sabi ni Co. 

“Unfortunately, nung nabangga niya, natumba siya and hindi siya napansin ng mga sumusunod na sasakyan at nadaanan nga siya which caused his death,” dagdag niya. 

Sinabi ni Co na sinubukan namang huminto ng ilang kasalubong na sasakyan nang mapansin ang insidente, pero hindi na nakita ng mga sumusunod na motorista ang biktima sa kalsada.

Dahil dito, pinaalalahanan ng opisyal ang mga motorista na iwasan ang sobrang bilis upang magkaroon ng sapat na oras na makapreno at makaiwas sa aksidente.

“Huwag mag-overspeed kasi kung siguro katamtaman ang kanilang speed during that time, ay mapapansin nila na merong mga pumipigil sa kanila, as well as merong nakahigang tao doon sa kalsada,” ani Co. 

Bukod sa pagpapatupad ng mga batas-trapiko, binigyang-diin din ni Co ang pangangailangang suriin ang kondisyon ng lugar kung saan nangyari ang aksidente.

Ayon sa kanya, medyo madilim ang bahagi ng kalsada at inaalam pa kung sapat ang mga babala at karatula roon. 

“Nakikipag-coordinate ang ating local police sa LGUs as well as the DPWH for the provision of lighting as well as signages in the area,” sabi ni Co. 

Pagdating naman sa pananagutan, sinabi ni Co na maaaring papanagutin ang mga sangkot kung mapatutunayang may kapabayaan silang naging sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Gayunman, nasa korte ang pagpapasya sa legal na pananagutan kung maisasampa ang kaso.

Sa paunang impormasyong natanggap ng PNP, nag-usap na ang panig ng mga nakasagasa at pamilya ng nasawi, at wala umanong planong ituloy ang pagsasampa ng kaso.

Muling hinimok ni Co ang mga nag-aalaga ng aso na huwag hayaang gumagala ang kanilang mga alaga sa mga kalsada dahil maaari itong magdulot ng aksidente at maglagay sa panganib sa buhay ng mga motorista.

Leave a Reply