Modelo nahablutan ng P55K halaga ng hikaw sa Balintawak
Arestado ang 32-anyos na lalaki matapos hablutin ang gintong hikaw ng isang modelo sa tapat ng isang simbahan sa Balintawak, Bgy. Balingasa, Quezon City nitong Sabado, Oktubre 10.
Sapul sa CCTV pasado alas dies ng umaga ang suspek na nakabuntot sa naglalakad na biktima at bigla na lang hinablot ang suot nitong hikaw.
Kumaripas ng takbo ang suspek na hinabol naman ng biktimang bente siete anyos na modelo hanggang sa EDSA-Balintawak.
“Bigla na lamang siyang nakaramdam ng pananakit sa kanyang mga tenga. Yun pala ay hinablot na ng magnanakaw yung earrings niya. Mayroon tayong mga pulis na naka-bantay sa kahaban ng EDSA, doon humingi ng tulong ‘yung biktima para mahabol ‘yung suspek,” ani Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre na commander ng La Loma Police Station.
Agad ding naaresto ang suspek na 32-anyos na dati na ring nakulong dahil sa kasong robbery hold-up, snatching, at alarm and scandal.
Narekober sa kanya ang pares ng gintong hikaw ng biktima na P55,000 ang halaga.
“Hinablot ko ‘yung hikaw niya habang naglalakad kami roon sa simbahan ng St. Joseph. Pinagsisisihan ko lahat. Malaki po ang pagsisisi pagpapasa-Diyos na lang,” pahayag ng suspek.
Sa imbestigasyon lumalabas na modus ng suspek na mag-ikot sa matataong lugar para humanap ng mabibiktima.
“Nalalaman nila kung totoo ito o hindi eh. Baka sa kulay ng ginto, alam na nila ito. Pag lumalabas, wag nang magsuot ng mamahaling alahas. Pati na rin mamahaling cellphone, itago na lang muna sa bag habang naglalakad,” paalala ni PLtCol. Aguirre.
Nakakulong na sa custodial facility ng La Loma Police ang suspek na nahaharap muli sa reklamong snatching.