Tuesday, November 3, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Barangay chairman patay sa pamamaril sa Batangas

Patay si Barangay Chairman Dennis Austria matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa labas ng kaniyang bahay sa Barangay Santa Anastacia, Santo Tomas, Batangas, nitong Huwebes ng umaga, Oktubre 15.

Batay sa kuha ng CCTV, nagwawalis sa tapat ng kanilang bahay si Austria nang lapitan at pagbabarilin ng isang lalaki.

Tumakas ang gunman sakay ng motorsiklong minamaneho ng kaniyang kasabwat.

Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa asawa niyang si Michelle Austria, hindi niya agad naisip na binaril ang kaniyang mister dahil inakala niyang nagkukumpuni lamang ito ng kanilang bubong nang marinig ang mga putok ng baril.

“Akala ko po yung narinig kong tunog is yung pako niya doon sa yero, akala ko po siya yung nagpako sa yero,” ani Michelle.

Kalaunan, nakarinig na lamang umano siya ng mga sigawan kaya bumaba upang tingnan ang nangyari sa kaniyang asawa.

Nang makita niyang nakahandusay si Austria, inakala pa niyang nadulas ito at napalo ang ulo dahil sa dami ng dugong nakapaligid dito.

“Wala po talaga akong isip na siya po ay binaril, nalaman ko lang po na siya ay binaril nung tinatakbo na namin sa ospital. Sabi ko nabagok lang siya eh, siguro sa lakas ng pagkakabagok, dead on arrival. Sabi nung staff ni admin, hindi tita, hindi siya nabagok, may tama siya. Saka ko lang nakita yung sa noo niya na lumalapasan yung bala,” kuwento ng biyuda.

Ayon kay Michelle, wala siyang alam na kaaway ng kaniyang asawa at wala rin umano itong naibahaging problema o banta sa kaniyang buhay bago ang insidente.

Nanawagan naman siya sa mga responsable sa pagpatay, kabilang ang posibleng nag-utos sa krimen, na managot sa kanilang ginawa.

“Doon sa gumawa at lalong-lalo na doon sa nagpagawa kasi hindi naman ito gagawin kung walang nag-utos. Alam niyo po sa sarili niyo kung gaano kabait si Kap, kung gaano kabait na ama ng barangay. Kung siguro, hindi ko alam hangad niyo kung para pulitika, sana di kayo bumawi ng buhay,” pahayag ni Michelle.

Nagluksa rin ang mga kasamahan ni Austria sa barangay, na inilarawan siyang madaling lapitan, maaasahan at handang tumulong sa mga residente.

“Wala naman problema sa kanya eh, mabait na tao iyon, madaling lapitan saka maaasahan sa lahat ng bagay. Di namin alam, wala pa kaming hint, so magulo eh. Nagulat kami, hindi namin inaasahan ito,” ani barangay kagawad Dennis Modelo.

Para naman kay Daryll Abadilla, isang empleyado ng barangay, masakit at nakagagalit ang sinapit ng kapitan na palagi nilang nakakasama sa trabaho.

“Napakasakit, napakasakit na ano, siyempre kami yung lagi niyang kasama. Sobrang nakakagalit, napakasakit po nung sinapit ni Kap, dahil sa pakikitungo po talaga, wala ka pong masasabi. Kahit po talagang ano estado ng tao, hindi niya tinitingnan,” ani Abadilla.

Samantala, sinabi ni P/Lt. Col. Philip Aguilar, tagapagsalita ng SITG Austria, na layunin ng task group na pagsamahin ang mga impormasyong nakalap at mga kakayahan ng iba’t ibang yunit ng pulisya upang mapabilis ang pagtugis sa mga suspek.

“Ang SITG po para ma-harmonize lahat ng intelligence, forensic and operational resources para ma-track down yung mga perpetrators at ma-establish natin ano motibo dito sa bayolenteng pagpatay na ito. Sa ngayon po ang tinatakbuhan ng ating investigation, mayroon naman pong lead ang ating Sto. Tomas Municipal Police Station in coordination with other units,” ani Aguilar.

Nag-alok naman ng P200,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Santo Tomas sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makatutulong sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek.

Tiniyak ni Mayor Arth Jhun Marasigan sa pamilya ng biktima na gagawin ng pamahalaang lungsod ang lahat ng makakaya upang matukoy at mahuli ang mga pumatay sa kapitan.

“Assurance ko sa kanila, unang-una, gagawin lahat sa ating kapangyarihan upang habulin, malaman, una, mahuli ang pumatay na ito kay Kap Dennis,” ani Marasigan.

Patuloy naman ang imbestigasyon at pagtugis ng mga awtoridad sa mga suspek.

Hinikayat ng Batangas Police ang sinumang may impormasyon, dashcam recording o kuha mula sa CCTV na maaaring makatulong sa imbestigasyon na makipag-ugnayan agad sa lead investigator sa numerong 0917-143-1580, sa pamamagitan ng mga opisyal na channel ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.

Tiniyak ng pulisya na ituturing na lubos na kompidensiyal ang lahat ng impormasyong ibibigay ng publiko.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at mapanagot ang mga nasa likod ng pagpatay.