Magkapatid pinagbabaril umano ng tanod; isa patay; isa sugatan
Patay ang isang lalaki, habang nagtamo ng sugat ang kanyang kapatid nang pagbabarilin umano sila ng isang tanod sa Brgy. Palong, Malasiqui, Pangasinan nitong Miyerkules ng gabi.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulis, habang nag-iinuman ang nakababatang kapatid at kanyang pinsan sa tapat ng kanilang bahay, nilapitan umano sila ng suspect at nakisali sa kanilang inuman.
Ayon kay Malasiqui police chief PLtCol. Francisco Sawadan Jr., kinausap umano ng suspect ang biktima, pero nauwi sa pagtatalo.
Tinangka pa umanong hampasin ng bote sa mukha ang biktima pero nakaiwas ito.
Pag-alis ng suspek, nagbanta umano itong babalikan niya ang biktima.
Ilang sandali pa, lumabas sa kanyang bahay upang bumili sana ng sigarilyo ang kuya ng biktima at dinaanan ang kaniyang kapatid upang kausapin.
Pero saktong dumating umano ang suspek na may dalang baril.
Tinamaan ng bala sa likod na tumagos sa baba ng kanyang kili-kili ang panganay na kapatid. Nadala pa siya sa ospital, pero idineklarang dead on arrival.
Nagtamo naman ng tama ng bala sa hita ang nakababatang kapatid at ginagamot pa rin sa ospital.
Tumakas naman ang suspek na mahaharap sa kasong murder at frustrated murder. Patuloy siyang pinaghahanap.