Lalaking nangholdap ng 17-anyos na estudyante, arestado sa Maynila
Nadakip ang isang 27-anyos na lalaki matapos holdapin at tangayin ang cellphone ng isang 17-anyos na estudyante sa Tondo, Maynila. Handout/MPD Smokey Mountain PCPMAYNILA — Arestado ang isang 27-anyos na lalaki matapos holdapin at tangayin ang P8,000 halaga ng cellphone ng isang 17-anyos na estudyante sa Vitas St., Tondo, Maynila, nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 15.
Ayon sa Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station (PS-1), nadakip ang suspek nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 16, sa isang bahay sa Barangay 138, Balut, Tondo matapos ang isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad.
Sa kuha ng CCTV, kitang naglalakad pauwi ang biktima mula sa bahay ng kaniyang kapatid bandang alas-9:22 ng gabi nang harangin ito ng suspek.
Natakot ang biktima nang umamba ang lalaki na may bubunuting armas sa kaniyang tagiliran kaya ibinigay na lamang nito ang cellphone, ngunit makikita sa video na hinabol pa rin niya ang suspek at tinangkang bawiin ang kaniyang gamit.
“Yung biktima na menor de edad, naglalakad siya pauwi. Galing siya sa kaniyang kapatid… Sinalubong siya ng suspect at sapilitang inagaw yung kanyang cellphone,” ani PCPT Jay Balagtas, hepe ng Smokey Mountain PCP.
“Tinakot, may akmang bubunutin para matakot. Nagtangka pa itong biktima na habulin… ngunit hindi niya na ito nagawa kasi nga minor siya tsaka babae,” dagdag ng hepe.
Hindi pa nababawi ang ninakaw na cellphone at ang patalim na ginamit sa krimen. Inamin ng suspek na ibinenta niya ang cellphone sa kaniyang kaibigan sa halagang P500 lamang.
Natrauma naman nang labis ang Grade 12 student, na ayon sa kaniyang nakatatandang kapatid ay nahihirapan pang ikuwento ang nangyari. Iginiit ng pamilya na itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek.
Makikita rin sa video na sinubukan pa ng biktima na maagaw muli sa suspek ang kanyang cellphone.
“Yung mga files na kailangan niya sa school tapos yung SIM niya po doon yung nakaconnect sa mga account niya para sa schoolworks niya,” sabi ng kapatid ng biktima. “Itutuloy ko po talaga ito kasi hindi lang naman cellphone yung nawala sa kapatid ko. Yung mental health naapektuhan din.”
Dahil sa naranasang trauma ng dalagita, sinabi ni Balagtas na ire-refer nila ang biktima sa Manila Department of Social Welfare and Development (MDSWD) para sa kaukulang psychosocial services at debriefing.
Ipinagtanggol naman ng suspek ang kaniyang ginawa at sinabing nangangailangan siya ng pera para sa kaniyang anim na taong gulang na anak na may sakit at posibleng magka-leukemia matapos maospital.
Inamin din nito na dati siyang gumagamit ng ilegal na droga ngunit itinigil na umano ito.
“Nagawa ko lang po yun dahil sa kailangan ng pera. Sa pamilya ko naman dinala. Wala naman sa iba,” giit ng suspek na nakakulong na dahil sa kasong robbery.
Samantala, muling nagpaalala ang pulisya sa publiko na maging mapagmatyag sa paligid at agad mag-report sa pulisya kapag may napansing kahina-hinalang kilos sa kalsada.