16 sugatan matapos tumagilid ang truck na kargado ng buhangin sa Taytay, Rizal
Labing-anim ang sugatan matapos tumagilid ang isang truck na kargado ng buhangin sa Ortigas Avenue Extension sa Taytay, Rizal, Sabado ng umaga, Oktubre 17.
Limang sasakyan ang nadamay sa insidente, kabilang ang isang pampasaherong jeep, multi-purpose vehicle, tricycle, motorsiklo, at bisikleta.
Kabilang sa mga malubhang nasugatan ang driver ng MPV na halos hindi na makagalaw matapos maipit nang madaganan ng truck ang kanyang sasakyan.
“No’ng kinuha namin siya, buti na lang easy ’yong access ng mga rescuer. Madali siyang nakuha. Pero may malaki siyang sugat sa left shoulder dahil sa pagkakaipit,” saad ni Mark Jayson Pulumbarit, deputy head ng Taytay MDRRMO.
Nawalan din ng malay ang isang babae matapos magtamo ng sugat sa ulo. Ilang pasahero naman ng jeep ang nasugatan sa mukha at braso.
Ayon sa lalaking nagtatrabaho sa malapit na junk shop, nagulat sila sa lakas ng tunog nang tumagilid ang truck.
“’Yong tunog na may mga bombang bumabagsak. Nakataob na nga po tapos maraming tao. Pagpunta ko po roon, ’yong mga pasahero ng jeep, lahat sugatan… sa mukha sa braso,” kuwento niya.
Sa inisyal na imbestigasyon ngTaytay Municipal Police Station, galing Montalban at patungong Muzon, Taytay ang truck nang mangyari ang insidente.
Nakatanggap din umano ang pulisya ng impormasyon na maaaring pagod at inaantok ang driver.
“According sa driver, hindi daw kumapit ang kambyo para sa engine brake. Ang balita ko ay sobrang pagod, inaantok. So far ’yon lang,” saad ni PLtCol. Joel Custodio, hepe ng Taytay Police.
Itinanggi naman ng driver na nakatulog siya habang nagmamaneho.
Sa halip, sinabi niyang napilitang niyang ikabig ang manibela matapos iwasan ang kasalubong na van.
“Nabulaga po ako sa jeep na nagbaba saka po sa bike sa gilid kaya naikabig ko po ’yong manibela. Sinagad ko po pakurbada kasi matutumbok ko po ’yong van,” paliwanag ng driver.
Kasama rin sa iniimbestigahan ng pulisya ang pumutok na gulong ng truck.
Panawagan ni Danilo Tapales, ama ng isa sa mga nasugatan, na huwag nang patagalin ang pag-uusap tungkol sa gastusin at abalang dulot ng insidente.
“Panawagan ko sa operator, wag na kaming paghintaying matagal. Handa naman kami makipag-usap,” ani Tapales.
“Hindi naman kami nag-aaano, basta ’yong gastos lang saka ’yong abala,” dagdag niya.
Nangako naman ang may-ari ng truck na sasagutin ang pagpapagamot ng mga biktima.
“’Yong mga nasugatan, siyempre naaawa rin ako sa kanila. ’Yong pagpapagamot, sasagutin namin ’yon siyempre. Tapos nakausap naman namin ’yong sa insurance no’ng truck,” ani ng may-ari.
“Every Saturday, Sunday, nakaparada naman ’yong mga unit namin to check ’yong oil, mga brake pads, maintenance every week,” dagdag niya.
Sa kabila ng pangakong sasagutin ng truck owner ang pagpapagamot sa mga biktima, sinabi ng Taytay Police na itutuloy ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to property laban sa driver.
Humingi naman ng paumanhin ang driver sa mga nasugatan.
“Humihingi po ako ng pasensya sa mga nasugatan at nasaktan. Aksidente po nangyari talaga. Hindi ko sinasadya. Humihingi po ako ng tawad,” aniya.
Samantala, paiigtingin ng mga awtoridad ang pagbabantay sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
“Ginagawang shortcut. Hindi dapat yan. Dapat ang ruta nila C5 which is mas maluwag. Ito nag-shortcut para mabilis ang biyahe kasi ang kanilang destination Laguna pa. From there, labas nila C6,” ani Custodio.
Paalala ng mga awtoridad sa mga motorista, tiyaking nasa maayos na kondisyon ang sasakyan at driver bago bumiyahe upang maiwasan ang mga disgrasya sa kalsada.