Mga labi ng lalaki natagpuang nakasemento sa imburnal sa Cebu City
Natagpuan ng mga awtoridad ang labi ng 24-anyos na si Isaan Viernes sa ilalim ng isang imburnal sa Sitio Riverside, Barangay Pahina Central, Cebu City noong Lunes ng hapon. Courtesy: Benjie Talisic, Xfm Cebu via Annie PerezCEBU CITY — Natagpuan ng mga awtoridad ang mga labi ng 24-anyos na si Isaan Viernes sa ilalim ng isang imburnal sa Sitio Riverside, Barangay Pahina Central, Cebu City noong Lunes ng hapon.
Inilunsad na ng kapulisan ang isang hot pursuit operation upang mahanap at maaresto ang salarin sa naturang krimen.
Ayon sa kaniyang mga kaanak, nagkaroon aniya ng kaaway ang biktima bago mangyari ang insidente.
Ayon kay Ferl John Pacaldo, Operations Chief ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office, nakatanggap sila ng tawag tungkol sa masangsang na amoy sa nasabing lugar.
“Nakita namin na nasa ilalim ng imburnal ang mga buto. Sinemento at nasa tatlong metro ang lalim,” ani Pacaldo, na naglahad ding hinaluan ng uling ang semento.
Samantala, kinondena naman ni Cebu City Mayor Nestor Archival ang pangyayari at nanawagan sa Cebu City Police Office ng paspasan na imbestigasyon upang maibigay ang hustisya sa pamilya ng biktima.