Wednesday, October 21, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Rerespondeng tanod, patay sa saksak ng 3 sangkot sa gulo sa Bacoor

Patay ang isang 51-anyos na barangay tanod matapos pagtulungang saktan at saksakin ng tatlong lalaki habang naglalakad sa kahabaan ng Coastal Road sa Barangay Talaba 3, Bacoor City, Cavite, nitong Sabado ng hatinggabi, Oktubre 17.

Ayon kay PLt. Col. Alexie Desamito, hepe ng Bacoor Component City Police Station, reresponde sana ang biktima sa natanggap na ulat sa barangay kaugnay ng isang kaguluhan na mabilis din umanong humupa.

“He responded na mag-isa… nauna siya ahead dun sa iba pang mga responding patrollers natin,” ani Desamito.

Dagdag ng pulisya, hindi alam ng tanod na ang nakasalubong nitong armado at nakainom na grupo ang mismong sangkot sa naturang kaguluhan.

“May mga hawak din na weapon… dahil mga nakainom na rin itong mga to, di na nila medyo makilala sino ‘yong mga nakakasalubong nila. Accordingly, nasalubong nila itong victim na nagpa-flashlight then suddenly sinaksak na lang po siya sa dibdib,” dagdag ng hepe.

Sapul sa CCTV ang pananaksak, pagtakbo palayo ng biktima, at ang paghabol at pag-iwan sa kaniya ng mga suspek nang matumba ito sa gitna ng kalsada.

Isinugod sa ospital ang biktima ngunit pumanaw din bunsod ng seryosong sugat sa dibdib. 

Nakita naman ng iba pang mga tanod at mga pulis ang pagtakas ng mga suspek kaya agad nilang hinabol at naaresto ang mga ito.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang dalawa sa tatlong suspek, na parehong 18-anyos. Gayunman, inamin ng 21-anyos na mismong sumaksak na napagkamalan lamang niyang kakampi ng kanilang mga nakaalitan ang biktima.

“Inakala daw po niya na yung tanod na yun ay isa sa mga kalaban nila doon sa napabalita na komosyon… inunahan na niya ng saksak,” dagdag pa ni Desamito.

Nakumpiska mula sa 21-anyos na suspek ang ginamit na kutsilyo, habang nakuhanan din ng mga pakete ng marijuana ang kaniyang grupo.

“Sa korte na lang po kami magpapaliwanag… humihingi po kami ng pasensya sa aming nagawa… na hindi namin pinag-isipan bago namin gawin. Kami po ay nagsisisi. Sana po ay mapatawad niyo po kami,” sabi ng pangunahing suspek.

Kasalukuyan nang nakakulong ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong homicide at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Tumanggi naman sa panayam ang pamilya ng biktima, ngunit nanindigan silang hindi iaatras ang kaso laban sa mga suspek.

Leave a Reply