Xyriel, Karina, Kaori at Elyson, isasabuhay ang mga kwentong kababalaghan sa iWant horror serye na “True Manila Encounters”
Mga totoong kwentong puno ng sindak at kababalaghan ang isasabuhay nina Xyriel Manabat, Karina Bautista, Kaori Oinuma, at Elyson de Dios sa bagong iWant limited horror serye na “True Manila Encounters” na ipalalabas exclusively sa streaming platform simula Oktubre 29 (Huwebes).
Mula sa award-winning production company na CreaZion Studios, tampok sa bagong horror original ang mga nakasisindak na pagsasadula sa mga totoong engkwentro na nasaksihan sa Metro Manila. Mula sa ilang isinumiteng entry, dalawang kwento ng kababalaghan ang isasabuhay ng serye.
Isa sa kwentong maghahasik ng lagim ay ang “Undressed” episode na pagbibidahan nina Xyriel at Karina. Sa direksyon ni Rae Red, haharapin dito ni Pearl (Karina) ang isang mapanghimagsik na kaluluwang namamalagi sa isang bestida na galing sa ukayan, na siya namang pagmamay-ari ng kaopisinang si Mei-Mei (Xyriel). Sa tulong ng kanyang third eye, pipigilan ni Pearl ang walang habas na pananakot ng kaluluwa nito para sa kanilang katahimikan.
Susundan naman ito ng “Occupant” episode nina Kaori at Elyson, sa direksyon naman ni Dodo Dayao. Tampok dito ang nakababahalang presensyang pilit sisira sa long-distance relationship nina Ana (Kaori) at Jam (Elyson). Matapos ang iilang aparisyon na nakuhanan sa kanilang video call, tila masisiraan ng bait si Ana sa kanilang nasaksihan habang susubukan naman ni Jam na iligtas ang kanilang pag-iibigan mula sa misteryosong nilalang.
Humanda sa katatakutang hatid ng “True Manila Encounters,” na mapapanood ang “Undressed” episode sa Oktubre 29, at Nobyembre 5 naman para sa “Occupant” episode nito sa pamamagitan ng iWant subscription plan sa halagang P35 kada buwan sa Pilipinas, USD 12.99 kada buwan sa United States, at USD 4.99 sa iba pang bahagi ng mundo.
Panoorin ang iba’t ibang kwentong Pinoy sa iWant, ang tahanan ng pinakamalawak na koleksyon ng Filipino feels. I-download ang app at mag-subscribe sa pamamagitan ng Google Play o Apple App Store.