Saturday, October 31, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Carnapping suspect at 5 iba pa huli sa droga at sugal sa Rizal

Arestado ang isang 22-anyos na suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo matapos mahulihan ng ilegal na droga habang nagsusugal kasama ang lima pang indibidwal sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal noong Biyernes, Oktubre 23. Courtesy: Rodriguez MPS

MAYNILA — Arestado ang isang 22-anyos na suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo matapos mahulihan ng ilegal na droga habang nagsusugal kasama ang lima pang indibidwal sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal noong Biyernes, Oktubre 23.

Nakuha ng pulisya mula sa grupo na kinabibilangan ng tatlong babae ang nasa isang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800, P350 na pusta, at tatlong baryang ginamit sa paglalaro ng cara y cruz.

Napag-alaman ng Rodriguez Municipal Police Station na ang isa sa mga nahuli—si alyas MM—ay ang suspek na nasapul sa CCTV sa pagnanakaw ng motorsiklo sa Barangay Burgos noong Oktubre 20 matapos magtugma ang kaniyang gamit na motor sa biktima.

“Vinerify nila itong mga motor na nakaparada, isa roon sa mga motor na narekober ay reported dito sa police station na ninakaw. Upon verification doon sa mga nahuli, itong suspek na si alyas MM inamin niyang siya ang may dala nung motor na iyon nung gabing iyon kung saan sila nahuli,” sabi ni Lt. Gerry Cordero, Chief Investigator ng Rodriguez Municipal Police Station.

“Hiniram lang po namin ‘yun pero nakaw po talaga yun. Wala kasi kaming magamit na service,” depensa ni alyas MM na tuluyang ikinanta ang isang kaibigan na siya umanong nagnakaw nito.

Sa kuha ng CCTV noong Oktubre 20, kita ang paghinto ng riding-in-tandem sa isang subdivision sa Barangay Burgos kung saan tinangkang paandarin ng angkas ang mga nakaparadang motor, bago tuluyang itinulak at itinakas ang isa sa mga ito habang nagsisilbing lookout ang kasabwat.

Bagama’t umamin na nakaw ang motorsiklo, itinanggi ni alyas MM at iba pang hinuli na sangkot sila sa ilegal na sugal at droga.

Bukod sa nadamay lang, may kaniya-kaniya rin silang alibi.

“Wala po ako, tulog ako, nasa loob lang ng kwarto,” depensa ng 26-anyos na babaeng suspek.

“Hindi naman po talaga amin yun,” giit naman ng 42-anyos na lalaking suspek.

Nakakulong na ang mga suspek dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1602 (Illegal Gambling) at Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang sinampahan din ng kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act ang isa dahil sa narekober na motor na naibalik na ng pulisya sa may-ari.

          

Leave a Reply