Kambal na sanggol na-rescue matapos umanong ibenta ng sariling ina sa halagang P27,000
MAYNILA — Na-rescue ng Southern Police District (SPD) ang walong-buwang gulang na kambal sa Candaba, Pampanga, nitong Oktubre 25, matapos ang mahigit dalawang buwang paghahanap sa mga bata.
Nasa pangangalaga na ngayon ng mga social worker ng Taguig City ang magkapatid habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa tatlong suspek na umano’y sangkot sa pagbebenta at pagpapasa sa mga bata.
Ayon sa lola ng kambal, nasa pangangalaga nIya ang mga sanggol mula nang ipanganak ang mga ito dahil premature o kulang sa buwan ang magkapatid.
Noong Agosto, nagkaroon umano sila ng pagtatalo ng ina ng kambal. Kalaunan, kinuha ng kanIyang anak ang dalawang sanggol sa pangakong aalagaan ang mga ito.
Ilang araw lamang matapos mawala sa kanyang pangangalaga ang kambal, kinumusta na niya ang kalagayan ng mga apo.
Noong Agosto 13, nalaman niya mula sa isa sa kanyang anak na ipinaampon na umano ng ina ang kanyang mga apo.
Laking gulat ng lola nang malaman na hindi lamang pala basta ipinapaampon ang mga bata, kundi ibinenta umano sa halagang P27,000 matapos makipag-ugnayan sa isang babaeng nakilala sa Facebook.
Dahil hindi naibalik ang mga apo, humingi siya ng tulong sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Taguig City Police Station.
Ayon kay PCol. Julius Añonuevo, hepe ng Taguig City Police Station, sa social media umano unang nagkaroon ng ugnayan ang mga sangkot sa transaksiyong ipinakilala bilang adoption.
Noong Oktubre 19, natunton ng mga awtoridad sa San Luis, Aurora ang babaeng umano’y unang bumili sa kambal. Gayunman, wala na sa kanyang pangangalaga ang dalawang sanggol.
Ayon kay PBGen Rodel Pastor, district director ng SPD, lumabas sa imbestigasyon na muling ibinenta ng nasabing babae ang kambal sa dalawang babae sa Pampanga sa halagang P30,000.
Dagdag pa niya, may dalawa pang menor de edad na natagpuan sa pangangalaga ng babaeng naaresto sa Aurora at hindi nito maipaliwanag kung kanino ang mga bata.
Matapos ang halos isang linggong surveillance at follow-up operations, natunton ng mga pulis ang kinaroroonan ng kambal sa Candaba, Pampanga nitong Oktubre 25.
Na-rescue ang magkapatid at naaresto rin ang dalawang babaeng umano’y bumili sa kanila.
Sinabi rin niyang inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa tatlong suspek.
Tumanggi nang magbigay ng panig ang ina ng mga sanggol.
Binigyang-diin ng Taguig City Social Welfare and Development Office na may legal na proseso sa pag-aampon at hindi maaaring ituring na kalakal ang mga bata.
Nahaharap ang tatlong suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 11862 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 at Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.