Sanggol, amang sakay ng motorsiklo patay nang madaganan ng trak sa QC
Dinala na sa ospital ang mga biktima na kinabibilangan ng isang lalaki, isang babae, at isang sanggol matapos madaganan ng truck ang kanilang sinasakyang motorsiklo. Courtesy: Owen Gallamporte via Bea CuadraMAYNILA (UPDATE) — Patay ang isang 11-buwang gulang na sanggol at ang ama nito matapos madaganan ng dump truck na may kargang buhangin ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa bahagi ng Luzon Avenue corner Congressional Avenue sa Barangay Culiat, Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.
Patuloy namang inoobserbahan sa ospital ang ina at asawa ng mga nasawi.
Ayon sa ilang residente, nagulat na lang sila nang makitang nakatagilid na ang trak.
Nagdulot ng pagbagal sa daloy ng trapiko sa lugar ang insidente dahil sa kumalat na langis at mga buhangin sa kalsada.
Hindi na nagpaunlak sa panayam ang truck driver, na nasa kostudiya na ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 6.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.