8-anyos na bata nalunod sa Baseco Beach sa Maynila
Patay na nang matagpuan ang isang 8-anyos na batang lalaki matapos mawala habang naliligo sa dagat kasama ang mga kalaro sa Baseco Beach, Barangay 649, Port Area, Maynila nitong Lunes, Oktubre 26. Courtesy: Baseco Fire Volunteer & RescueMAYNILA — Patay na nang matagpuan ang isang 8-anyos na batang lalaki matapos mawala habang naliligo sa dagat kasama ang mga kalaro sa Baseco Beach, Barangay 649, Port Area, Maynila nitong Lunes, Oktubre 26.
Kinilala ang biktima na isang Grade 2 pupil na katatapos lamang magdiwang ng kanyang ikawalong kaarawan noong Oktubre 4.
Dakong 8:55 ng gabi nang matagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng bata sa baybayin na may mga tanim na bakawan.
Batay sa imbestigasyon ng Baseco Police Station, bandang 5:30 ng hapon nang magpunta sa baybayin ang biktima kasama ang mga kalaro matapos masundo ng ama sa paaralan noong tanghali.
Inakala umano ng mga magulang na nasa computer shop lamang ito, ngunit naalarma sila nang magtanong ang mga kalaro kung nasaan na ang biktima.
Nailigtas at buhay pa aniya sana ang anak kung ipinagtapat agad ng mga kaibigan nito na naligo sila sa dagat.
“Nasagip po sana kasi ang daming tao sa dagat. Kung nagsumigaw sana sila. Maraming tao po sa dagat na naliligo. Hindi nila sinabi,” dagdag pa nito.
Samantala, ayon sa barangay information officer na si Arbie Bryan Rico, matagal nang ipinagbabawal ang pagligo sa Baseco Beach.
Iniakyat na sa Homicide Section ang kaso para sa mas malalim na imbestigasyon sa insidente.