Wednesday, November 4, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Driver, car rental company at dating driver ng dayuhan dawit sa carnapping ng luxury SUV

MAYNILA — Inaresto ng Southern Police District (SPD) ang isang lalaking nagmamaneho ng isang nakaw umanong luxury MPV sa Makati City, nitong Martes matapos itong mamataan ng tauhan ng tunay na may-ari ng sasakyan.

Bukod sa driver, kinasuhan din ang car rental company na umano’y pinagmamanehuhan niya ng sasakyan at ang dating driver ng may-ari, kaugnay ng paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016.

Nasakote ang driver at nabawi ang sasakyan nang makita itong bumabiyahe sa Parañaque ng tauhan ng Koreyanong may-ari ng sasakyan. Ni-report nila itong ninakaw noong Setyembre 7, 2026 sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City.

Agad na nagsumbong sa Unified 911 ang tauhan. Sa amateur video na kuha ng SPD, makikita ang pakikipag-ugnayan ng motorcycle rider sa Tactical Operations Center ng distrito matapos mamataan ang nawawalang SUV.

Mula Parañaque, sinundan ng rider ang SUV hanggang Makati, kung saan agad na inalerto ang mga pulis na nakatalaga sa lugar. Nagsagawa naman ang SPD ng dragnet operation upang maharang ang sasakyan.

Sa tulong ng impormasyong ibinigay ng rider, natunton at naharang ng mga pulis ang SUV bago inaresto ang lalaking nagmamaneho nito.

Ayon sa SPD, iginiit ng driver na nagtatrabaho lamang siya para sa isang car rental company na nakabase sa Parañaque.

Gayunman, nang hingan ng mga awtoridad ng mga dokumentong magpapatunay sa lehitimong pagmamay-ari ng sasakyan, wala umanong naipakitang sapat na papeles ang naturang kumpanya.

Ayon kay SPD District Director PBGen Rodel Pastor, posibleng maharap sa kaso ang driver at ang mga taong itinuro nitong pinagmulan ng sasakyan.

“May possibility na, ah, ma-filean ng kaso itong driver at saka yung itinuturo kung saan niya kinuha. Ah, kung meron man silang mga rason kung papaano and sa korte na lang sila magpaliwanag,” ani Pastor.

Ayon pa sa opisyal, sinabi umano ng driver na nabili lamang niya ang SUV sa halagang P1.5 milyon.

Kinuwestiyon ni Pastor ang naturang pahayag dahil sa mataas na halaga ng nasabing sasakyan na tinatayang 2025 o 2026 model.

“Biruin mo ang Alphard model, I think 2025 o 2026. Hybrid pa, binili mo lang ng 1.5. Parang hindi ka pani-paniwala,” ani Pastor.

Dagdag ng opisyal, naging mapanuri dapat ang driver, lalo na kung may karanasan siya sa negosyo ng pagpapaupa ng sasakyan at alam niya ang karaniwang presyo ng naturang modelo.

Samantala, tumangging magbigay ng pahayag ang naarestong driver ng SUV.

DATING DRIVER, POSIBLENG SANGKOT

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na tinangay ang SUV mula sa isang condominium sa BGC noong Setyembre 7.

Sa kuha ng CCTV, makikitang lumabas ang sasakyan mula sa condominium nang hindi umano nahihirapan ang taong nagmaneho nito.

Ayon kay Pastor, lumabas sa kanilang pagsisiyasat na ang dating driver mismo ang umano’y tumangay sa SUV.

“Nakita nga na yung pagtangay noong sasakyan na ’to ay parang walang kahirap-hirap. At doon natin nalaman na yung mismo palang tumangay o kumuha ay yung mismong driver din. Kasi nga naging kaugalian nila na yung mismong susi ay iniiwan. Kaya nailabas nang walang problema doon sa kung saan nakaparada,” ani Pastor.

Kinumpirma rin ni Junnel Bunao, empleyado ng may-ari ng SUV, na nagkaroon ng pagkukulang sa seguridad matapos maiwan ang susi ng sasakyan.

“Ano eh, ah, nakalimutan yung susi, ganun. Hindi ko, hindi ko masyadong… Nagkaroon din ng, sabihin natin, security lapses. Nakalabas ng condo. ’Yun nga eh, nakita,” ani Bunao.

PAALALA SA MGA MAY-ARI AT BIBILI NG SASAKYAN

Nagbabala naman si Pastor sa mga may-ari ng sasakyan na huwag maging kampante kahit pa matagal na nilang pinagkakatiwalaan ang kanilang mga empleyado.

“Sa mga may-ari nung mga sasakyan o gamit, huwag kayong basta-basta magtiwala, maski sabihin mong matagal mo nang empleyado yan. Kasi tukso yan eh, tukso yan,” ani Pastor.

Pinayuhan din niya ang publiko na huwag mag-iwan ng mga bagay na maaaring mapag-interesan o makuha ng ibang tao.

Para naman sa mga bibili ng secondhand na sasakyan, iginiit ng opisyal na dapat suriin kung makatotohanan ang presyong iniaalok upang maiwasang makabili ng mga sasakyang may kuwestiyonableng pinagmulan.

“Doon naman sa bibili, eh, mag-isip ka kasi sabi ko nga alam mo yung presyuhan diyan eh. Huwag kasi yoong long arm ng batas eh, makukuha at aabot o maaabutan ka pa rin,” dagdag ni Pastor.

Sinampahan na ng reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 ang driver ng SUV, ang car rental company, at ang dating driver ng dayuhang may-ari.

RELATED VIDEO:

Leave a Reply