Wednesday, November 4, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

FACT CHECK: Video ni Baste Duterte na pinupuna si Abante sa impeachment trial, AI-generated

Hindi totoong pinasaringan ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. nang makaidlip siya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.  

Sa isang video na ini-upload sa isang Facebook page noong October 23, 2026, sinabi umano ni Duterte ang mga katagang: “May iba sa atin dito, patulog-tulog lang pero sinuswelduhan.” Pagkatapos nito ay ipinakita naman ang umano’y paggising ni Abante mula sa pagkakatulog habang nagpapatuloy ang pagdinig.

Gawa lamang ng artificial intelligence, o AI, ang naturang video na noong October 28 ay mayroon nang 1.3 million views at naibahagi na nang 3,600 beses.

Ang totoo, naganap ang pag-idlip ni Abante habang isinasagawa ang pagdinig noong September 28, isang araw bago tumestigo si Duterte.

Noong araw na iyon, napansin ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na tila nakakatulog si Abante. Nangyari ito habang tumatayong testigo si Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) Division Chief Rendell Sopeña, at hindi si Duterte.

Kinabukasan, noong September 29, tumestigo bilang hostile witness si Duterte sa impeachment court. Sa buong pagdinig noong araw na iyon ay walang video na nagpapakitang nakaidlip si Abante.

Makikita rin na magkaiba ang kasuotan at puwesto ni Abante noong September 28 nang makatulog siya sa impeachment trial at noong September 29 nang tumestigo si Duterte.

 

Makikita rin sa video ng Facebook post ang simbolong “Ai”.

Batay sa resulta ng pagsusuri ng DetectVideo AI, isang tool na ginagamit upang matukoy ang posibleng paggamit ng AI, mataas ang posibilidad na AI-generated ang kumakalat na video. 

Maaaring ginamit sa AI-generated video ang larawan ni Abante na natutulog na unang kumalat online. Kapareho rin ito ng larawang ibinahagi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa kaniyang opisyal na X account. 

Aminado naman si Abante na nakaidlip siya sa pagdinig noong September 28.

“Nakakaantok ‘yong mga tanong ng mga defense lawyers kaya nakatulog ako,” sabi ni Abante.

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X (dating Twitter) account @abscbnfactcheck. 

Leave a Reply