Negosyante arestado matapos umanong masangkot sa P100-M investment scam
MAYNILA — Arestado ang 45-anyos na babae matapos umanong mambiktima ng mahigit 250 investors na naglagak ng pera sa kanyang food catering business.
Umabot umano sa mahigit P100 million ang kabuuang halagang natangay ng suspek, na napag-alamang nalulong sa pagsusugal sa casino.
Ayon sa Manila Police District-Criminal Investigation Section, modus umano ng suspek ang paghingi ng P100,000 kapalit ng five percent return on investment o ROI kada buwan. Dahil lehitimo ang kanyang food catering business, nagmukhang kapani-paniwala ang investment scheme.
“Bali kasi mayroon itong business, legitimate undertaking naman talaga ito… So this is started in 2003, sabi ng mga biktiman niya,” ayon kay PMAJ Jake Serrano Arcilla, hepe ng MPD CIS.
Dahil marami umanong followers ang food catering business ng suspek sa social media, nahikayat ang maraming investors, kabilang si Lyn, isang business owner mula Laguna.
Natangay kay Lyn ang P100,000 na ipinuhunan niya noong October 2025. Tatlong buwan matapos siyang hindi makatanggap ng inaasahang return on investment, saka siya nagsimulang magduda.
“Madami siyang followers sa FB, sa social media, marami siyang followers at taga Maynila rin ako… So nagtiwala ako na yung partnership na sinasabi niya na yung initial na investment na 50,000 ay magkakaroon kami ng ROI ng 5% every month. So, nung tinawagan ko siya at nag-video call kami at binasa ko yung contract na ibinigay niya sa akin, na-convince ako kasi 5%,” kwento nito.
Biktima rin si RJ, isang security guard sa Taguig, na nagbitiw na sa kanyang trabaho dahil inakala niyang nakaipon na siya ng P400,000 mula sa kanyang investment.
“Sa akin po, sobrang mahalaga po talaga yun kasi yun po yung pinipunong ko po talaga yun para po sa kinabukasan ko po… Nagsimula po akong security guard, 21 years old po. So wala po talaga akong pera, yun lang po talaga yung lahat ng ipon ko,” kuwento ng biktima.
Ganoon din ang sinapit ng isang overseas Filipino worker na si Agnes, na nakabase sa Canada at nawalan umano ng P500,000. Ayon sa kanya, nakatatanggap pa siya ng return on investment sa simula, kaya nagpasya siyang dagdagan ang kanyang ipinuhunan.
“Okay naman sila magbigay before eh. Tapos biglang maging gano’n. It’s a strategy. Yung kukunin niya yung loob mo, siguro, I think, gano’n. Tapos hanggang umamin na sila na nalulong sila sa gambling, ganyan,” kwento nito.
Natunton ng mga awtoridad ang suspek sa isang casino noong Martes matapos makatanggap ng tip.
Patuloy pang inaalam ng pulisya kung may iba pang kasabwat ang suspek, kabilang ang kanyang live-in partner na patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad.
“Actually, doon sa warrant to arrest niya na isang kasama niya doon na nareklamo yung kanyang asawa. And yesterday ay naabangan din namin yun pero parang hindi sila magkasama nang naglaro kahapon so nakalusot yung kanyang asawa,” ani Arcilla.
Mahaharap sa kasong estafa ang suspek, na nakakulong na sa MPD. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag.
Nagpaalala ang pulisya sa publiko na mag-ingat laban sa mga mapanlinlang investment scheme na nangangako ng malalaking kita sa maikling panahon.
“Huwag tayo magpabulag sa malaking interest na inaalok sa atin kasi normally, pag too good to be true yan, wrong yan, hindi yan totooo,” dagdag ni Arcilla.