LTO babawiin ang lisensiya ng mga driver na nagmamaneho nang lasing
MANILA — Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) na maaaring bawiin ang lisensiya ng mga driver na nagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak o droga, kasabay ng pag-uutos sa mga awtoridad na tiyaking nasusunod ang tamang proseso ng panghuhuli.
Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ng LTO sa ilalim ng pamumuno ni Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na dapat sundin ng mga deputized law enforcement officers ang itinakdang proseso ng pagsusuri sa mga motorista na pinaghihinalaang nagmamaneho nang lasing.
Nakasaad ito sa Memorandum No. MVL-2026-242, na nagtatakda ng pagkakasunod-sunod ng mga pagsusuri alinsunod sa Republic Act No. 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Sa ilalim ng memorandum, kailangang sumailalim muna sa Field Sobriety Test ang driver na pinaghihinalaang nagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak. Kapag bumagsak sa pagsusuri, saka ito isasailalim sa pagsusuri gamit ang awtorisadong Alcohol Breath Analyzer (ABA) upang masukat ang antas ng alkohol sa katawan.
Binigyang-diin ng LTO na hindi maaaring gamitin ang breathalyzer bilang unang pagsusuri o nag-iisang batayan ng paunang screening.
Bukod sa mga parusang maaaring ipataw matapos ang criminal conviction sa ilalim ng RA 10586, sinabi rin ng ahensiya na may hiwalay na kapangyarihan ang LTO chief na bawiin ang lisensiya ng mga driver sa ilalim ng Section 27(a) ng Republic Act No. 4136.
Saklaw nito ang mga kasong inirekomenda ng Law Enforcement Service (LES) para sa kaukulang aksiyon, kabilang ang mga driver na hindi pumasa sa pagsusuri gamit ang ABA, kung mapatunayang hindi sila angkop na magmaneho ng sasakyan.
Inatasan din ang LES na isumite sa Intelligence and Investigation Division (IID) ang mga rekord ng bawat pagkakahuli, kabilang ang mga kasong tumanggi ang driver na sumailalim sa pagsusuri, upang masuri at maaksyunan ang mga ito.
“Gusto nating matiyak na walang driver na makapagmaneho nang lasing o nasa impluwensiya ng droga nang hindi napapanagot sa batas. Pero mahalaga ring tama ang proseso ng panghuhuli dahil ang pagpapatupad ng batas ay dapat mahigpit, maayos, at walang pagkukulang,” saad ni Lacanilao.
Ayon sa LTO, layunin ng mahigpit na pagpapatupad ng batas at pagsunod sa tamang proseso na mapanatili ang kaligtasan sa mga kalsada at matiyak na napapanagot ang mga lumalabag.
Muli ring pinaalalahanan ng ahensiya ang mga motorista na iwasang magmaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak o droga.