Wednesday, November 4, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lalaki nagpanggap na delivery rider, nagnakaw umano ng P50,000, mga gadget

MAYNILA — Arestado ang isang 32-anyos na lalaki matapos makuhanan sa CCTV na nagnakaw umano ng pera at gadgets sa mga restaurant sa Quezon City. 

Batay sa kuha ng CCTV pasado alas-4 ng madaling araw noong Oktubre 19, ipinarada ng suspek ang kaniyang motorsiklo sa labas ng kainan sa Barangay St. Ignatius bago pumasok sa loob at hinalughog ang pasilidad. 

Nabuksan nito ang cash box at natangay ang nasa P50,000 kasama ang isang laptop. 

Kinaumagahan na natuklasan ng mga empleyado na pinasok ang kaniyang kainan.

“Nung pagpasok nila, napansin nila na ang pintuan ng kanilang establishment ay bukas na. Nung kanilang chineck yung loob ng restaurant, nakita nilang magulo na yung counter at iba pang mga gamit sa loob ng restaurant,” sabi ni PLt. Col. Geoffrey Lim, commander ng Project 4 Police Station.

Bago ang insidente, nahagip din siya sa kuha ng camera sa isa pang restaurant sa Quezon City din habang tangay ang isang ninakaw na cellphone.

Dahil dito, agad na nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad upang matukoy at mahanap ang kinaroroonan ng suspek.

“Natunton natin yung lugar kung taga-saan ito at pati kung sino yung ating suspek. Actually, itong suspek natin ay dayo,hindi siya taga-Quezon City but residente ng Manila,” ani Lim.

Naaresto ang suspek nitong Oktubre 27 malapit sa Quezon City Hall.

“Nagkataon, upon monitoring, nalaman natin nasa area siya ng Quezon City at doon na natin in-effect ang arrest sa ating suspek,” dagdag pa ng opisyal.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagpapanggap bilang delivery rider ang lalaki upang isagawa ang kaniyang modus at magmanman ng mga target na pasilidad.

“Iba’t ibang klaseng mga suot ng mga delivery rider natin ang ginagamit niya tuwing siya ay magnanakaw. Ang ginagawa pa nito bago magnakaw, lumalapag sa area, nagsu-survey at tumitingin kung anong possible establishment na pwede niyang pagnakawan,” paliwanag ni Lim.

“Kapag nakita na niya na ito ay possible kaya niyang pasukin, umaalis ito, pagbalik niya may dala na siyang mga gamit.” 

Narekober din sa Maynila ang motorsiklong ginamit ng suspek, na sinadyang palitan ang ilang bahagi upang maitago ang kaniyang pagkakakilanlan.

“Meron din siyang modus na kapag nagko-commit siya ng krimen, pinapalitan niya parts ng kanyang motorcycle para hindi ma-detect,” sabi ni Lim.

Inaalam pa ng pulisya kung may kinabibilangang grupo ang suspek, na napag-alamang may mga nakaraang rekord na ng pagnanakaw. 

Kabilang dito ang naitalang pagnanakaw sa isang nail spa noong Setyembre 21 at sa isa pang coffee shop noong Setyembre 17 na parehong naganap sa Quezon City at nahagip din ng CCTV.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek at sinabing sa korte na lamang siya magpapaliwanag. 

Nakakulong siya sa custodial facility ng Project 4 Police Station.

IBA PANG BALITA:

Leave a Reply