3 na nagbihis MC taxi rider, nang-holdap ng turista sa Parañaque
Southern Police District photoMAYNILA — Arestado ang isa sa tatlong suspek habang patuloy na tinutugis ang dalawa pa matapos manlaban ang isang 46-anyos na turistang Koreano nang tangkaing agawan ng bag sa Macapagal Boulevard sa Barangay Tambo, Parañaque City, Sabado ng gabi, Oktubre 31.
Dakong alas-9:15 ng gabi nang makarinig ng mga putok ang mga pulis na nakatalaga sa lugar. Agad silang rumesponde at naaresto ang 30-anyos na suspek mula sa Sta. Cruz, Maynila.
“It just happened na meron tayong mga pulis na nag-ka-conduct ng tinatawag nating Borderless Policy System… so noong marinig nila yung mga putok, tumakbo sila rito at they were able to subdue yung isang suspect,” pahayag ni Southern Police District district director PBGen. Rodel Pastor.
Batay sa imbestigasyon, naglalakad ang biktima upang bumili ng pagkain nang sundan siya ng tatlong lalaking sakay ng mga motorsiklo na nakasuot ng damit na katulad ng sa mga motorcycle taxi rider.
Nang agawin ang bag, nanlaban ang biktima at nakipagbuno.
“Dahil ayaw ibigay yung kanyang bag, nakipambuno hanggang sa may nagpaputok pa sa kanila, siguro para takutin [at] para ibigay [yung bag]. So natakot, binitawan yung bag niya,” ani Pastor.
Isinugod sa ospital ang biktima dahil sa mga galos sa ulo at tuhod. Hindi pa narerekober ang bag na naglalaman ng tinatayang P12,000 cash, pasaporte, at hotel keycard.
Ayon sa isang gas attendant, naitulak ng biktima ang motorsiklo ng suspek kaya hindi ito agad nakatakas, habang ang dalawang kasama nito ay nakatakas. Narinig din ng isang food delivery rider ang kaguluhan.
“Dito pa lang sa may pa-U-turn, may mga naririnig na kaming nagsisigawan tapos putukan… Nakita ko lang na may mga dumating na SOCO tapos dami ng pulis,” aniya.
May tatlong basyo ng bala na narekober ang SOCO sa pinangyarihan ng holdapan.
Bukod naman sa motorsiklo, nakumpiska pa sa suspek ang isang 9mm na baril, anim na bala, mga bonnet, helmet, sapatos, uniporme ng ride-hailing apps, at mga pekeng plaka.
Ayon sa pulisya, binili lamang online ang mga damit at hindi tunay na mga rider ang mga suspek.
“Sana maging mahigpit yung bawat company. Syempre kami, legit driver po kami na lumalaban nang patas sa kalsada,” panawagan ng isang lehitimong delivery rider, na idinagdag na nakakita na rin siya ng mga katulad na insidente sa Quezon City at Tondo, Maynila.
Southern Police District photoTumanggi nang magbigay ng pahayag ang suspek, na napag-alaman ng pulisya na sangkot din ito sa tatlong insidente ng carnapping at nahaharap sa kasong rape.
Patuloy ang manhunt operation ng SPD katuwang ang Manila Police District sa dalawa pang kasabwat.
“Ang mensahe ko lang dito, huwag na kayo dito sa Southern Police District. Mahuhuli at mahuhuli namin kayo.”