Mga aso at pusa, hinihinalang nilason sa Cavite
Larawan mula kay Carl Andrei FenolHindi bababa sa 10 alagang hayop ang nasawi matapos umanong makakain ng pagkaing may lason na ikinalat sa kalsada sa Alfonso, Cavite.
Ayon kay Carl Andrei Fenol, residente sa lugar at isang animal lover, nadiskubre nitong Martes ng umaga na pitong aso at tatlong pusa na ang nasawi sa Barangay Kaytitinga 3.
Pero sinasabing may iba pang residente umanong namatayan din ng mga alagang hayop at agad nang inilibing ang mga ito.
Sa panayam kay Fenol, sinabi nito na inaalam pa nila kung may iba pang namatay.
“Apat pong aso yung nakita namin pero yung sa ilang kapitbahay namin ay sinasabing namatay ang kanilang mga alagang aso at pusa pero inilibing din po nila kaagad nang makita kanina,” sabi niya.
Karamihan sa mga nasawing aso ay mga alagang hindi nakatali o nakakulong at malayang nakalalabas sa kalsada.
May residente rin umanong nakakita ng mga sisidlan na pinaghihinalaang pinaglagyan ng lason sa daga na inihalo sa kanin sa dalawang magkahiwaly na lugar.
Larawan mula kay Carl Andrei FenolNagdulot ng pangamba at galit sa mga residente ang insidente at hinihiling nilang masuri ang mga CCTV sa lugar upang matukoy kung sino ang nasa likod nito.
Ayon kay Fenol, labis niyang ikinalungkot ang pangyayari dahil ilan sa mga namatay na aso at pusa ay pinapakain pa niya kapag kanyang nakikitang nagugutom, bukod pa mga alaga niyang aso at pusa sa kanilang bahay.
“Tatlong aso at isang pusa. Hindi sa amin pero pinapakain ko araw-araw. Tapos lalasunin n’yo lang? Sa gumawa nito, sana alam mong hindi simpleng bagay ang ginawa mo. Hindi ka basta makakakalusot sa batas,” sabi ni Fenol sa Facebook.
Ipinapaabot na rin nila sa barangay at pulisya ang pangyayari, habang hinihintay ang opisyal na imbestigasyon at kumpirmasyon sa sanhi ng pagkamatay ng mga hayop.
Sa ilalim ng Animal Welfare Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 10631, may kaukulang parusa ang pagmamalupit at pananakit sa mga hayop.