Wednesday, November 4, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

‘Nagtatrabaho nang marangal tapos ganoon’: Sekyu patay sa pamamaril ng holdaper

 MAYNILA — Patay ang isang 29-anyos na security guard matapos malapitang barilin sa ulo ng holdaper na umatake sa binabantayan niyang convenience store sa Morong, Rizal nitong Martes. 

Sapul sa CCTV dakong 4:35 ng umaga ang paglapit ng isang lalaki sa kahera ng convenience store na may inaasikaso pang customer sa Barangay Maybancal.

Kunwaring may bibilhin ang lalaki na biglang pumasok sa counter at nagdeklara ng holdap.

Nilimas nito ang pera sa kaha na aabot sa P10,000 pero nang tatakas na ay kinompronta siya ng security guard ng tindahan.

Nagpambuno ang dalawa hanggang sa pinaputukan ng baril sa ulo ng suspek ang guwardiya na agad humandusay sa sahig.

Mabilis namang tumakas ang suspek kasama ang kasabwat nito na nagsilbing lookout.

Dead on the spot ang guwardiya na dalawang buwan pa lang nakadestino sa convenience store.

Ayon sa mga kaibigang tricycle driver ng guwardiya, nakausap pa nila ang biktima ilang oras bago ang insidente.

“Naipasok niya yung motor niya likod sa ng store tapos bumalik na siya sa pagdu-duty. Ayun pagkalipas ng ilang oras, bigla naming nalaman na may nangyari ng putukan sa loob ng store,” sabi ni Richard Gonzales. 

“Mga 4:30 wala ng tao rito, wala nang nakapila. Kaya tinayming nila. Makonsensya sila sa ginawa nila kasi may pamilya rin yon,” sabi naman ni Joevil Ong.

Agad namang rumesponde ang Morong police. 

Natukoy din agad ang pagkakakilanlan ng gunman nang positibo itong kilalanin ng mga testigo.

“Nagkatitigan sila sa mukha ng suspek. Dala-dala namin yung mukha ng may mga previous na kaso. Pinakita namin yung mukha. Sabi niya, yan talaga ang bumira. Na-identify niya,” sabi ni PMaj. Edzel Macasero.

Hustisya ang panawagan ng kaanak ng biktimang taga-Mindanao.

“Masakit po sa amin lalo pa maliit pa masyado yung anak niya. Actually 5 months pa lang po ‘yung anak niya eh. Hindi pa niya nakasama nang matagal. Nagtatrabaho nang marangal tapos ganoon pa ‘yung nangyari. Sana po makonsensya sila at makamit namin ‘yung agarang hustisya kasi buhay ‘yung kinuha nila wala ng balikan. Sana mahuli na sila at makulong sila at mabulok na sa kulungan,” sabi ng kaanak ng biktima.

Tiniyak naman ng pulisya ang agarang pagresolba sa kaso para mabigyan ng katarungan ang sinapit ng biktima.  

“Tukoy na yung pangalan ng isa sa suspek natin. Magpa-file kami ng kaso para makamit ang hustisya ng nasawi. Bilang guwardiya ginawa niya yung role niya as security guard. Pangako namin lalo sa kaanak ng biktima, sa establishment din sa nangyaring robbery, pangako namin na-mafile-an ng kaso nang mabilisan,” sabi ni Macasero.

Sasampahan ng kasong robbery with homicide ang mga suspek na patuloy pang pinaghahanap. 


IBA PANG BALITA: 

Leave a Reply