TV PATROL: Libo-libong motorcycle taxi rider ng Move It nanganganib mawalan ng trabaho dahil sa isyu ng overboarding
Libo-libong motorcycle taxi riders ang nangangambang mawalan ng trabaho. Ito’y matapos sitahin ng LTFRB ang ride hailing platform na Move It, dahil sa paglampas nito sa pinapayagang bilang ng riders.
Pinagmumulta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ng mahigit kalahating bilyong piso o P555 million ang Move It dahil sa umano’y paglampas nito sa nakatakdang rider cap.
Pinayagan lamang silang magkaroon ng mahigit 17,000 riders sa Metro Manila, Cebu City at Cagayan de Oro City.
Pero natuklasan ng LTFRB na may sobra itong 55,575 riders
P10,000 ang multa sa bawat isang nadagdag na rider.
Kapag hindi nagbayad ng multa ang platform, sinabi ng LTFRB na posibleng masuspinde ang partisipasyon nito sa motorcycle taxi pilot program o bawiin ang accreditation nito.
Sa isang pahayag, sinabi ng Move It na naghain ito ng motion for reconsideration sa LTFRB.
Ipinaliwanag din ng kompanya na hindi lahat ng rider ay sabay-sabay na namamasada. May mga nag-o-online at nag-o-offline depende sa kanilang sariling oras at schedule.
Kaya sa kanilang parte, kailangan nilang tiyaking sapat ang bilang ng mga rider na handang tumanggap ng booking anumang oras, lalo na tuwing rush hour, para matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero.
Nagpapatrol, Andrea Taguines. TV Patrol, Miyerkules, 4 Nobyembre 2026