Wednesday, November 4, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Riot ng mga kabataan, sumiklab sa Maynila

MAYNILA — Sapul sa CCTV ang riot sa pagitan ng dalawang grupo ng mga kabataan sa San Andres, Maynila, Martes ng madaling araw. 

Sa kuha ng CCTV, unang nakitang tila nagkakantyawan lamang ang dalawang grupo sa bahagi ng Diamante Street. 

Ilang sandali pa, nagsimula na silang magbatuhan ng mga bote at bato. 

May isa pang gumamit ng payong bilang panangga sa mga ibinabatong bagay. 

Hindi rin natinag ang magkabilang grupo kahit may mga dumaraang motorista sa lugar. 

May isang lalaki rin na nakitang tila may kinasa at pinaputok na bagay. 

“So, paglabas ng mga tanod, nagra-riot ang magkabilang grupo. So, may mga dalang molotov, may panaksak,” saad ni Barangay 797 Chairman Leo Dan Moreno. “Batuhan po sila ng bote at saka ng bato.” 

Sinubukan umanong awatin ng mga nagrorondang tanod ang dalawang grupo pero mas naging agresibo pa ang mga ito. 

Ayon kay Moreno, hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng riot sa kanilang lugar. 

Nilinaw naman niyang mga dayo sa barangay ang sangkot sa kaguluhan. 

“Madalas na po sila dito kasi paglabas ko minsan nagkukumpulan na sila. So, ako naman…hinahabol ko sila. Parang meron silang GC. Parang nag-uusap sa GC kung saan sila magtatagpo,” dagdag ni Moreno.

 
SINAKTAN NG TANOD?

Samantala, dumulog sa barangay ang ina ng isa sa mga menor de edad na sangkot sa riot. 

Reklamo niya, sinaktan umano ng isang tanod ang kaniyang anak matapos itong mahuli. 

“Actually, hindi ko alam kasi nasa loob na kami ng bahay. Siguro nga po dahil sa cellphone, may chat-chat sila, lumabas siya. Hindi naman ako 24 (oras) gising. Tanggap ko naman ‘yong disgrasya ng anak ko o napa-riot siya. Ang ‘di ko tanggap, ‘yong nasaktan siya,” sabi ng ina. 

Itinanggi naman ng rumespondeng tanod na sinaktan niya ang bata. 

“Hinuli lang po namin ‘yong anak niya. Dinala po namin dito. Sinaway po namin sila, pinagbabato pa po kami ng kabataan na ‘yon. Nahuli ko po ‘yong anak niya, dinala ko dito. Natatakot lang po ‘yon pero hindi ko sinaktan ‘yon,” saad ng tanod na si Reynaldo Santos. 

Sa datos ng Manila Police District, 14 na menor de edad na ang natukoy na sangkot sa riot. 

Walo sa kanila ang dinala sa Manila Department of Social Welfare.

 
MANANAGOT ANG MAGULANG

Nagbabala naman ang MPD sa posibleng pananagutan ng mga magulang o guardian kung paulit-ulit na nasasangkot sa kaguluhan ang kanilang mga anak.

“Kung paulit-ulit na lang na nahuhuli itong mga anak nila sa iba’t ibang mga insidente ng kaguluhan, ang mananagot na nito [ay] ‘yong kanilang guardian o kanilang magulang. At ang isa pa dito, kung mas mababa ‘yong edad ng bata, mas mataas yung penalty at saka yung fine nito. Or both, pwede ‘yong fine and imprisonment,” saad ni Police Major Philipp Ines, tagapagsalita ng MPD.

Patuloy ding iniimbestigahan ng pulisya kung totoong baril ang bitbit ng isa sa mga sangkot sa gulo. 

Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang puno’t dulo ng alitan ng dalawang grupo.

Leave a Reply