Lima patay sa pagsabog, sunog sa hinihinalang pagawaan ng paputok sa Pangasinan
Lima ang namatay at dalawa ang sugatan sa nasunog na pagawaan ng paputok sa Malasiqui, Pangasinan nitong Miyerkules ng gabi.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa sunog pero ayon kay Malasiqui Vice Mayor Daria Dolores Mamaril, hindi alam ng barangay na pagawaan ng paputok ang naturang bahay sa boundary ng Barangay Tabo-Sili at Calbueg. Inaalam din kung may kaukulang permit ito.
Kabilang sa mga nasawi ang isang 8-taong-gulang at dalawang 15-anyos. Namatay rin ang ina ng dalawa sa mga menor de edad at isa pang 26-taong-gulang.
Sunog ang kanilang mga katawan at natagpuan sa damuhan, indikasyon na tumilapon ang mga biktima sa tindi ng lakas ng pagsabog.
Ayon sa uploader ng video, sa lakas ng pagsabog ay dumagundong pa ang lupa na tila lumindol. Nayanig ang mga bahay at umabot sa ibang mga barangay ang lakas ng tunog.
Makikita rin sa video ang pagsiklab ng apoy kasabay ng mga pagsabog.
Ayon kay F/Ins. Florence Nastor, Municipal Fire Marshal ng Malasiqui, isang sasakyan ang nadatnang nasusunog ng rumespondeng mga bumbero.
“Mabilis lang ang lahat, kasi pagdating ng ating mga responders sa area, agad inapula ang nasusunog na HiLux na sasakyan. Pero dahil parang make-shift lang yung sinasabing sumabog na bahay, halos wala kang makitang natira. Ang sinasabing bahay ay nirerentahan ng pamilya na dating babuyan, nilagyan ng bubong at doon na siguro tumira ang pamilya kasi may mga gamit ding pambahay,” ani Nastor.
Kinumpirma naman ni Malasiqui police chief PLtCol. Francisco Sawadan Jr. na dahilan ng pagsabog ay mga paputok, dahil may mga naiwan pa umanong mga paputok na nakaimbak sa lugar. Pero hindi pa aniya makumpirma kung gumagawa ng mga paputok ng mga biktima.
Dagdag niya, malayo sa mga kabahayan at nasa liblib ang lugar ng insidente.
Nasa kustodiya ng Malasiqui PNP ang isa sa mga biktima, bagamat hindi pa makuhanan ng maayos na salaysay bunsod ng takot, lalo pa at kabilang sa mga namatay ang dalawa niyang anak at kanyang kinakasama.
“Ang lugar ng pagsabog, mga 600 meters ang layo sa mga kabahayan. Initially nagkaroon ng pagsabog na may mga paputok at may mga hindi pa sumabog at masusi nating iniimbestigahan itong sa mga survivor… Wala pa siya sa kondisyon, yung pag-iisip niya, dahil nasawi ang dalawa niyang anak at kanyang kinakasama,” sabi ni Sawadan.
Kasabay nito, nanawagan si Vice Mayor Mamaril na maging mapagmatiyag sa paligid ang mga residente upang maipagbigay-alam ang mga hindi kanais-nais na insidente.