Paano makakakuha ang maliliit na negosyante ng tulong mula sa DOLE Sagip Trabaho Program
MAYNILA — Maaari nang humingi ng tulong sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga maliliit na negosyanteng nahihirapang magpasahod ng mga empleyado kasunod ng mga umento sa sweldo.
Inilunsad ng DOLE ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Flagship Innovations – Sagip Trabaho Program nung Huwebes, Nob. 5.
Sa ilalim ng programang ito, babayaran ng DOLE ang umento sa sahod ng mga kwalipikadong manggagawa. Direkta itong ibibigay sa mga empleyado at hindi sa employer.
Kapalit nito, dapat siguraduhin ng employer na tuluy-tuloy ang pagtatrabaho ng tutulungang manggagawa nang hindi bababa sa anim na buwan matapos ang tulong na ibibigay ng departamento. Hindi rin dapat matigil ang pagbabayad ng kontribusyon sa mga benepisyo ng empleyado.
Maaring magpasa ng aplikasyon ang mga kwalipikadong small at medium enterprises na kapos sa kakayahang pinansyal pero may mga recovery prospects.
Narito ang proseso ng aplikasyon ng mga negosyante:
-Ihanda ang proof of lawful business at Job Preservation and Business Continuity Plan gamit ang DOLE format.
-Kumpletuhin at pirmahan ang kasunduan kasama ang DOLE at mga manggagawa.
-Ipasa ang mga requirement sa DOLE regional o field office para sa pagsusuri.
“Papatunayan nila na sila ay distressed,” sabi ni DOLE Secretary Francis Tolentino.
Hanggang 35 na manggagawa kada kwalipikadong employer ang tutulungan ng kagawaran.
Sa ngayon, sa Metro Manila at Central Visayas pa lang ipinatutupad ang programang ito dahil ito ang mga lugar kung saan naging hamon ang pagbibigay ng umento sa suweldo.
“Sisikapin natin na ‘yung mga maliliit na negosyo ay hindi magsara dahil sa mga nangyayari ngayon, external economic conditions tapos ‘yung dagdag-sweldo na baka hindi kayanin ng iba,” sabi ni Tolentino.