Mag-asawang namamahala sa pet crematorium sa Bulacan, humingi ng tawad
MAYNILA — Boluntaryong humarap sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-asawang namamahala sa isang pet crematorium sa San Jose del Monte, Bulacan, kaugnay ng kontrobersiya sa umano’y iresponsableng paghawak at pagtatapon sa labi ng mga patay na aso.
Sa kanilang pagharap sa NBI, inamin ng mag-asawa ang kanilang pagkakamali at humingi ng tawad sa mga pet owners na nasaktan at naapektuhan ng insidente.
Ayon sa babaeng namamahala, nagsimula ang kanilang ugnayan sa naturang pet crematorium matapos itong umorder ng cremation machine sa kanila. Dahil naantala ang delivery ng makina, napagkasunduan umano na sila muna ang mag-cremate ng mga patay na aso at pusa ng crematorium.
Pero dahil sa patuloy na pagdami ng mga ipinadadalang labi ng mga hayop, hindi na umano kinaya ng kanilang makina ang dami ng mga ito. Ilang beses din umano silang nakiusap na bawasan ang mga ipinapadala dahil nangangamba silang mabulok at mangamoy ang mga ito habang naghihintay na ma-cremate.
Dahil sa dami ng labi at pressure sa sitwasyon, sinabi rin ng babaeng namamahala na nakipag-ugnayan sila sa mga taong malapit sa lugar para mailibing na lamang umano nang maayos ang mga patay na hayop.
Gayunman, hindi umano nila alam na sa halip na mailibing, itinapon pala ang mga ito sa isang dam site sa San Jose del Monte, Bulacan.
Humingi ng paumanhin ang mag-asawa sa mga fur parents at iginiit na hindi nila intensyong mangyari ang insidente.
“Sa lahat po ng mga owner po na naapektuhan, humihingi po kami ng tawad. Hindi po kami masamang tao, hindi po namin intensyon lahat ng nangyari na yun. Napunta lang po kami sa isang desisyon na gano’n kasi po nalagay na po kami sa alanganin.”
Iginiit din ng asawa na hindi kabilang sa mga itinapon ang mga alagang hayop na ipinagkatiwala sa kanila ng sarili nilang mga kliyente. Aniya, maayos na na-cremate ang mga ito at mayroon silang mga dokumento at records na magpapatunay dito.
“Lahat po ng clients doon, wala po kaming ipinalibing. Lahat po ng kliyente namin ay na-cremate ng maayos. Lahat po ng records ng pet namin, meron po kami. Kumbaga, kaya po namin i-testify na wala po kaming itinapon na pet ng kliyente namin.”
Patuloy na iniimbestigahan ng NBI ang insidente para matukoy ang buong pangyayari, ang mga may pananagutan, at ang posibleng kasong maaaring isampa laban sa mga sangkot.