Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Racer-vlogger, pinagbabaril sa kanyang motorcycle shop sa Antipolo

MANILA — Sugatan ang isang sikat na motorcycle racer at vlogger matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang motorcycle shop sa Antipolo City, Rizal nitong Huwebes. 

Nakahandusay at duguan ang biktima nang abutan ng kanyang mga tauhan bandang alas-2 ng hapon sa Sitio Parugan, Barangay San Jose. 

Ayon sa isang testigo na nasa labas ng shop, apat na lalaki na sakay ng motorsiklo ang bumaba at pumasok sa gusali.

Lahat sila nakasuot ng uniporme na pang motorcycle taxi at naka-helmet.

“Parang simpleng tao lang na pumasok sa shop. Maya-maya may narinig na kaming putok, apat na beses,” sabi ng testigo.

Sa takot, walang nagawa ang mga naghihintay na customer at mga tambay sa labas. 

Isang concerned citizen naman ang nagsugod sa biktima sa ospital.

“Yung apat na yun umalis na, dire-diretso parang normal lang. Hindi sila lumalaban nang patas. Ngayon lang nangyari to for the first time, dito na ako lumaki,” dagdag ng testigo.

Nirespondehan ng barangay at pulisya ang insidente at tiniyak na wala nang iba pang nasaktan.

Iniimbestigahan pa ng awtoridad ang motibo sa pamamaril.

Nagkasa na ng drag net operations ang pulisya para matukoy at agad na mahuli ang mga suspek.

“Sa mga mapagsamantala po na gumagawa ng krimen na ganyan, magtutulungan po ang barangay at kapulisan, mailalagay din po kayo sa likod ng rehas para mabawasan ang krimen dito sa ating barangay,” sabi ni Ferdinand Cendaña na officer-in-charge ng Barangay San Jose.

Patuloy pang ginagamot sa ospital ang biktima. 

Sinusubukang kuhanan ng pahayag ng ABS-CBN News ang kanyang kaanak.

IBA PANG BALITA: 

Leave a Reply