Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Nambudol, nakapatay: SUV driver na pinagnakawan ang online seller, arestado

 

MAYNILA — Arestado ang 30-anyos na SUV driver na pinagnakawan umano ang isang online seller na hinabol at sumabit sa kanyang sasakyan.  

Mga sigaw ng paghingi ng saklolo mula sa isang lalaki na nakasabit sa isang SUV na tuloy-tuloy sa pag-andar ang narinig mula sa video na nag-viral online. 

Sa isa pang video, kita na nakasabit pa rin ang lalaki sa sasakyan nang makarating ito sa EDSA, Linggo.

Tuluyang nahulog ang lalaki sa kalsada habang humarurot papalayo ang SUV. 

Ayon kay PCol. Rey Ochavo, officer-in-charge ng Mandaluyong police, online seller ang nakitang nakasabit sa SUV na hinahabol ang bayad sa cellphone na tinangay ng driver ng sasakyan.

Sa imbestigasyon, nakipagkita sa isang kainan ang suspek na bumibili ng P50,000 cellphone sa biktima.

“Nagpanggap siya na bibilhin niya tapos sinabi niya wala po siyang cash na available. Sinabi niya na magwi-withdraw siya ng pera,” sabi ni Ochavo.

Isinakay ng suspek sa SUV ang biktima at kanyang kasintahan na kasa-kasama sa transakyson para saglit na mag-withdraw. 

Pagdating sa isang bangko, bumaba ang magkasintahan matapos makisuyo ng suspek na tanggalin ang harang sa parking.

Doon na biglang pinaandar ng suspek ang SUV dala-dala ang cellphone na hindi pa nababayaran.

“Pinaharurot niya yung kanyang sasakyan para itakas itong cellphone. Ito namang biktima sumampa sa stepboard ng sasakyan. Sumabit mula sa Ortigas sa Connecticut hanggang kumanan po sa EDSA. Tapos after 400 meters, nahulog po si biktima,” sabi ni Ochavo.

Tatlong araw nanatili sa ospital ang 23-anyos na online seller na kalauna’y nasawi dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo.

Nitong Huwebes ng gabi, tuluyang naaresto ng Mandaluyong police ang tumakas na 30-anyos na SUV driver habang papalabas sa bahay nito sa Pasong Tamo, Quezon City.

Napag-alaman ng pulisya na nasangkot na rin ang suspek sa gas-and-run incident. 

“Yung pagkahuli po ng ating suspek ay dulot po ng ipinatupad na borderless policy ng ating regional director. Pinadali yung coordination sa bawat siyudad sa Kamaynilaan,” sabi ni Ochavo.

Pahayag naman ng nanay ng biktima, “Sa buong Mandaluyong police salute po ako sainyo. Ginawa nila ang lahat ng paraan since November 1, 2, 3, 4 and 5. Ang mensahe ko kay Mohammad, sana nasa paraiso siya.” 

“Naroon yung trauma pero kailangan po talaga ipaglaban yung hustisya para kay Mohammad. Sana itigil niyo yang ganyan. Tingnan nyo ang nangyari sa aking partner na namatay dahil sa pang-i-scam,” sabi naman ng kasintahan ng biktima.

Nakakulong na sa Mandaluyong City Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong robbery with homicide. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag.


IBA PANG BALITA:

Leave a Reply