Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

FACT CHECK: Hindi ginawaran ng “Most Honest Public Servant” award si VP Sara Duterte

Hindi totoong ginawaran ng Korte Suprema o ng isang organisasyon si Vice President Sara Duterte ng parangal na “Most Honest Public Servant of the Year,” taliwas sa kumakalat online. 

Pitong post ang nakita ng ABS-CBN Fact Check na nagbahagi ng dalawang uri ng art card kung saan makikita ang larawan ni Duterte at ang tekstong nagsasabing pinarangalan siya. Ibinahagi ang isang uri ng art card sa apat na post, habang ang isa pang uri ay ibinahagi sa tatlong post. 

Lima sa pitong post ang nagsabing iginawad ng Korte Suprema ang parangal. Ayon naman sa isang post, nagmula ito sa grupong “Transparency Mindanao.” 

Sa mensaheng ipinadala sa ABS-CBN Fact Check, pinabulaanan ni Supreme Court spokesperson Camille Ting ang sinasabi sa art card. 

“Please be informed that the Supreme Court of the Philippines does not confer awards on public officials outside the Judiciary,” saad ni Ting. 

Samantala, wala ang grupong “Transparency Mindanao” sa listahan ng mga rehistradong organisasyon sa Securities and Exchange Commission, o SEC. Wala ring matagpuang opisyal na website o social media account nito. 

Ibinahagi ang mga nasabing art card sa Facebook, Instagram, at TikTok noong September 3 at 6 at October 23, 26, 27, at 29 ngayong taon. 

Sa huling bilang ng ABS-CBN Fact Check noong November 6, nakapagtala na ang pitong post ng mahigit 620,000 views, 94,000 reactions, at 11,000 shares. — with research from Satur Gawec, ABS-CBN Research and Verification Unit Intern 

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X (dating Twitter) account @abscbnfactcheck.

Leave a Reply