Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Nagbebenta umano ng nakaw na motorsiklo arestado

Nitong Oktubre ninakaw ang motorsiklo, pero laking gulat ng may-ari nang makita niya itong ibinebenta sa isang online marketplace. ABS-CBN News

MAYNILA — Arestado ang isang lalaki sa entrapment operation ng Manila Police District (MPD) Anti-Carnapping Unit matapos umano siyang magbenta online ng nakaw na motorsiklo sa halagang P25,000 sa parking lot ng isang mall sa North Caloocan nitong Miyerkules.

Oktubre ninakaw ang motorsiklo, pero laking gulat ng may-ari nang makita niya itong ibinebenta sa isang online marketplace.

Positibong kinilala ng may-ari ang motorsiklo ang sasakyang nawala sa kanya noong Oktubre 21.

Ayon sa biktima, tinangay ang kanyang motorsiklo habang nakaparada sa Baseco Compound, Port Area sa Maynila.

Mahalaga umano sa kanya ang motorsiklo dahil ginagamit niya ito sa pagpasok at paghatid sa kanyang nobya.

Agad silang nag-report sa Baseco Police upang ipaalarma ang nawawalang motorsiklo.

Noong Oktubre 24, naaresto naman ang isang 17-anyos na umano’y nakitang tumangay sa motorsiklo sa CCTV footage. Sinampahan na rin ito ng kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act.

Gayunman, hindi pa rin nababawi ang motorsiklo.

Ayon kay Maj. Philipp Ines, tagapagsalita ng MPD, dinala pa umano sa Bulacan ang motorsiklo bago ito muling ibinenta sa mas mababang halaga.

Dahil matagal nang nawawala ang motorsiklo, nawalan na rin ng pag-asa ang magkasintahan na maibabalik pa ito.

Kaya naman laking gulat nila nang makita sa online marketplace na ibinebenta ang mismong motorsiklo.

Agad silang bumalik sa mga pulis at dito na ikinasa ang entrapment operation.

Nakilala agad ng may-ari ang motorsiklo dahil tanging side mirror lamang umano ang pinalitan nito.

Depensa naman ng suspek, binili lamang niya sa murang halaga ang motorsiklo at hindi niya umano alam na nakaw pala ito.

Mula sa tinatayang halagang P60,000, nabili umano niya ang motorsiklo sa halagang P17,000.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law ang naarestong suspek.

IBA PANG ULAT

Leave a Reply