Friday, November 6, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Estudyante patay dahil sa bumukas na engine cover ng bus

Nasa gilid umano ng kalsada ang biktima at naghihintay ng masasakyan patungong Maynila nang tamaan siya ng bumukas na takip ng makina ng bus. Courtesy: Atimonan police via Ronilo Dagos

ATIMONAN, Quezon — Patay ang isang 20-anyos na college student matapos tamaan ng bumukas na takip ng makina ng bus habang naghihintay siya ng masasakyan sa Maharlika Highway, Barangay Tagbakin, Atimonan, Quezon, madaling araw noong Huwebes. 

Batay sa imbestigasuon ng Atimonan Police Station, dakong 12:15 ng madaling araw nang bumukas ang kanang bahagi ng engine compartment cover ng bus habang dumaraan ito sa tapat ng isang fast-food restaurant. 

Nasa gilid umano ng kalsada ang biktima at naghihintay ng masasakyan patungong Maynila nang tamaan siya ng bumukas na takip.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon nang ilang metro ang estudyante at nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan. 

Agad siyang isinugod sa Doña Marta Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon kay Atimonan Police chief Maj. Allan Hernandez, sinabi ng driver na hindi niya napansin na bumukas ang takip ng engine compartment habang bumabyahe siya patungong Maynila.

“Nahagip po, nakalimutan ng driver na naka-open ‘yung estribo nila. Wala, [h]indi daw niya napansin na naka-open ‘yung estribo niya. Pero dapat nakita niya ‘yun habang tumatakbo,” saad ni Hernadez.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide. 

Ikalawang insidente na ito ng pagkasawi ng isang tao sa Quezon matapos tamaan ng bumukas na compartment cover ng bus.

Noong nakaraang buwan, nasawi rin ang isang lalaking nagjo-jogging sa bayan ng Guinayangan matapos tamaan ng bumukas na takip ng compartment ng isang bus. 

       

Leave a Reply