Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Suspek sa pangho-holdap sa barangay kagawad sa Quiapo, arestado

Arestado ang isa sa mga itinuturong suspek sa pangho-holdap sa isang barangay kagawad sa Quiapo, Maynila noong Oktubre 31.

Nahuli ang 29-anyos na suspek sa Batangas Street sa Tondo, Maynila noong Huwebes ng gabi matapos ang follow-up operation ng mga operatiba ng Barbosa Police Station.

Sa kuha ng CCTV, makikitang naghahanda ang biktimang kagawad ng kaniyang sasakyan upang bumiyahe sana papuntang Batangas para gunitain ang Undas.

Dito na siya nilapitan ng dalawang motorsiklong sakay ang mga suspek.

Tinutukan ng mga suspek ng baril ang kagawad bago hinablot ang kaniyang wallet, kuwintas at relo na nagkakahalaga ng aabot sa P200,000.

“Wag kang pumalag, puputukan kita. Sabay hablot na. Wala na po akong nagawa kundi sumunod sa kung anong gusto nila. Nakakalungkot man, ang lahat ng aking pinaghirapan, pinag-ipunan, nakuha nila lahat,” saad ng biktima.

Hindi na nabawi ang relo at kuwintas ng kagawad, ngunit narekober ang kaniyang pitaka sa isang ilog sa Parañaque City.

Agad namang natukoy ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng isa sa mga suspek matapos ang isinagawang back tracking.

“Relax na po siya. Akala niya hindi siya na-identify ng ating kapulisan. Actually, mula no’ng pagka-hold up nila kay kagawad, dinire-diretso po namin ‘yong back tracking,” saad ni PLtCol. Rexson Layug, station commander ng MPD Police Station 14.

Napag-alaman na dati nang nasangkot ang suspek sa iba’t ibang krimen.

“Karamihan robbery hold up, homicide. May mga pending pa po siya doon. Anim po ang lumalabas na mabibigat na kaso niya sa police record niya,” dagdag ni Layug.

Malaki rin umano ang posibilidsd na may kaugnayan ang grupo ng suspek sa pangho-holdap sa isang Korean national sa Parañaque City noong kaparehong araw.

Itinanggi naman ng suspek na sangkot siya sa pangho-hold up.

“May CCTV po akong patunay na nandoon po ako sa amin. Sa korte ko na lang po ipapakita. Kung sino man po ang gumawa noon, sumuko na lang po kayo para wala nang nadadamay na ibang tao,” pahayag ng suspek.

Nakapiit ngayon ang suspek sa Barbosa Police Station at nahaharap sa kasong robbery.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang apat pa niyang kasabwat na tukoy na rin ang pagkakakilanlan.

Leave a Reply