Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

TV PATROL: 3 sugatan matapos araruhin ng trak ang tindahan at karinderya

Tatlo ang sugatan matapos araruhin ng isang truck ang tindahan at mga nakaparadang sasakyan sa Maasin City, Southern Leyte nitong Biyernes. 

Sa video, unang inararo ng truck ang mga nakaparadang motorsiklo, atsaka nagdirediretso sa loob ng isang kainan. 

Sa isa pang video, dalawang babae ang  nagkukuwentuhan nang bumulaga at pumasok sa tindahan ang trak at winasak ang establishimento. 

Sa lakas ng pagkabangga, tumalsik sa mga biktima ang mantikang nilulutong pagkain noong mga oras na iyon. ‎

Nagtamo rin ng minor injury sa ulo ang dalawang taong gulang na batang nasa loob din ng inararong tindahan. 

Kasama sa tinamaan ng truck ang isang  pick-up at dalawang motorsiklo.

Sa isa pang kuha ng CCTV, isang lalaki ang nakaiwas sa humaharurot na trak sa direksyon ng tindahan. 

Sa imbestigasyon ng Maasin City Police Station, nawalan ng kontrol ang driver ng trak pagdating sa kurbadang bahagi  dahil sa madulas  ang kalsada dulot ng pag-ulan. 

Ayon sa PNP, hindi na nagsampa ng reklamo laban sa driver ng truck ang mga nadamay sa insidente matapos magkaareglo. Sasagutin ng driver ang danyos at pagpapagamot sa mga nasaktan sa insidente. TV Patrol, Sabado, 7 Nobyembre 2026

Leave a Reply