Pastor na suspek sa pagpatay sa 20-anyos nursing student sumuko
MAYNILA — Hawak na ng Regional Intelligence Division (RID) ng MIMAROPA Police Regional Office ang 26-anyos na pastor na suspek sa pagpatay sa isang 20-anyos na nursing student sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Ayon sa impormasyong nakalap ng ABS-CBN News, sumuko ang suspek, na nobyo rin ng biktima, kay Police Colonel Gerry Laylo, hepe ng MIMAROPA RID, sa isang simbahan sa Legarda Street sa Maynila madaling araw nitong Lunes.
Inamin umano ng suspek ang krimen at isinalaysay sa mga awtoridad kung paano niya pinatay ang biktima.
Matapos ang pagsuko, agad na ibiniyahe ng mga awtoridad ang suspek pabalik sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Inaasahang haharap ang suspek sa kaukulang kaso kaugnay ng pagkamatay ng nursing student.