Pulisya nagbabala sa online transactions matapos masawi ang isang seller sa Mandaluyong
Sapul sa CCTV ang pagpigil ng online seller sa SUV driver na tumatakas dala ang cellphone na halagang P56,000 na hindi pa bayad, noong Nobyembre 1. Courtesy: Mandaluyong CPS via Christopher Sitson, ABS-CBN News MAYNILA — Nagpaalala ang pulisya sa publiko na mag-ingat sa mga online transaction ngayong papalapit ang holiday season dahil maaari itong magdulot ng peligro at kumitil ng buhay, kasunod ng naitalang kaso ng pambubudol sa Mandaluyong City.
Ayon kay Police Colonel Rey Ochavo, Mandaluyong City Police Station Officer-in-Charge, dapat kilatising mabuti ang mga nakaka-transaksyon online.
“Dapat kilalanin muna natin nang todo yung ating mga prospected buyer para maiwasan natin itong pambubudol na nagresulta sa pagkasawi,” ani Ochavo.
Dagdag pa ni Ochavo, dapat ding tiyakin ng mga mamimili na katiwa-tiwala ang seller bago bumili ng anumang produkto online.
Isang online seller ang nasawi noong Nobyembre 1 sa Mandaluyong matapos sumabit sa isang SUV upang pigilan ang katransaksyon na tumakas tangay ang ibinebenta niyang cellphone. Nahulog ang biktima sa kalsada na naging sanhi ng kanyang pagkasawi.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakipag-meet up ang suspek sa biktima sa isang kainan at nagpanggap na bibilhin ang cellphone. Inaya ng suspek ang biktima at ang kasintahan nito na sumakay sa SUV upang mag-withdraw umano ng cash pambayad.
Arestado na ang driver ng SUV na nahaharap ngayon sa kasong robbery with homicide.
Dahil sa nangyari, binigyang-diin ni Brig. Gen. Roman Arugay, Eastern Police District Director, ang kahalagahan ng ligtas na lokasyon tuwing magsasagawa ng meet-up.
“Pumunta po tayo sa isang secured na lugar. Yung ma-tao. Tapos hindi tayo laging magtitiwala sa ka-transact natin online lalong-lalo na pag unang transaction natin sa kanya. Lesson learned dito sa insidente dito sa Mandaluyong,” paalala ni Arugay.
“Wag tayong magtiwala sa taong hindi pa natin kilala mabuti,” dagdag pa ni Arugay.
Pinapayuhan ang publiko na mag-meet up sa mga pampublikong lugar gaya ng mall, restaurant, police station, o barangay hall, at iwasang makipag-transaksyon sa loob ng sasakyan o sa mga liblib na lugar.
Maaari ring suriin ang reviews at komento ng ibang mamimili sa social media page o online shopping application ng seller upang matiyak ang pagiging lehitimo nito.
Panatilihin din ang pagiging alerto sa mga kahina-hinalang kilos ng ka-transaksyon. Bukas naman ang 911 nationwide emergency hotline kung kailangan ng saklolo.