Nagwalang lasing na armado ng sumpak arestado sa QC; mga ‘marites’ na kapitbahay sinisi
Nakuha sa suspek ang isang improvised shotgun o “sumpak” matapos isuplong ng concerned citizen sa pulisya ang pagwawala nito sa lugar. Courtesy: QCPD Station 6 via Bea Cuadra, ABS-CBN NewsMAYNILA — Arestado ang isang 46-anyos na lalaki matapos manggulo at mahulihan ng armas sa Barangay Commonwealth, Quezon City pasado 9:00 ng gabi noong Nobyembre 4.
Nakuha sa suspek ang isang improvised shotgun o “sumpak” matapos isuplong ng concerned citizen sa pulisya ang pagwawala nito sa lugar.
Ayon kay Lt. Col. Jose Naparato Jr., Batasan Police Station Commander, nagdulot ng pangamba sa mga residente ang pagwawala ng suspek na nagtangka pa aniyang tumakas nang dumating ang mga awtoridad.
“Nagko-cause siya ng alarm at maraming natatakot na residente… nung palapit na ang ating mga pulis at operatiba ay ito po ay tumakbo subalit agaran po siyang nahuli,” sabi ni Naparato.
Paliwanag ng suspek, nakainom siya nang magwala dahil sa kaniyang mga kapitbahay.
“Problema po sa kapitbahay… mga marites po… sa mga buhay buhay lang po… lasing lang po ako non hindi ko alam ang nangyari,” saad niya.
Aminado rin ang suspek na armado siya nang maaresto ngunit pang-depensa sa sarili lamang umano niya ito kaya binitbit.
“Binenta lang po sa akin yon… P200… wala po pang self defense,” dagdag nito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, una nang nakulong ang suspek noong Marso dahil naman sa pagsusugal.
Balik-piitan ito ngayon dahil naman sa mga reklamong alarm and scandal at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.